Quadruple increase sa pensyon sa mga beterano, itinutulak ni Cong. Leopoldo Bataoil

Ipinangako ni House Committee on Veterans Affairs and Welfare Representative Leopoldo Bataoil na bago siya bumaba sa Kongreso ay isusulong niyang maipatupad na ang nakabinbin na panukalang  Quadruple Increase sa buwanang pensyon ng World War II Veterans sa ginanap na talakayan sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Ayon sa Kongresista, mula sa P5,000 ay maging P20,000 kada buwan ang matanggap upang makatugon sa medikal at iba pang pangangailangan ng mga nagsilbing bayani sa bansa.

Aniya, nasa 8,000 beterano na lamang ang natitirang buhay at nasa 300 katao rito ang namamatay kada buwan.

Ito ay makatwiran lang aniya, dahil napag-iwanan ang mga beterano sa natanggap ngayon na dobleng dagdag sweldo ng mga aktibong pulis at sundalo.

Ngunit hindi lingid sa kongresista, na kapos ang budget ng pamahalaan, dahil P1.6 Billion ang kakailanganing pondo upang maisakatuparan ang dagdag pensyon.

Isinusulong din ni Bataoil sa kongreso ang pagbuo sa Veterans Hospitalization and Medical Care Program.

Sa pamamagitan ng programa, ang bawat beterano at kanilang dependyente ay maaring makatanggap ng P1,500 na subsidiya kada araw kapag naconfine sa ospital hanggang sa 45 araw.

Habang, itinutulak naman ni Senior Citizen Party List Rep. Francisco Datol ang dalawang panukala.

Una, maitaas sa P1,000 ang kasalukuyang P500 natatanggap na buwanang pensyon ng mga Senior.

Pangalawa, mula sa 100 taon ay maibaba sa 90 anyos ang makatanggap ng P100,000 na cash gift.

Matapos ang talakayan ay nagpamigay ng wheelchairs at tungkod ang Philippine Veterans Affairs Office (PVAO).

Samantala, dumalo rin sa naturang pagpupulong sina PSSupt Eliseo Tanding, Butil Party List Rep. Cecilia Leonila Chavez, Talavera Mayor Nerivi Santos-Martinez at mga aktibo at retiradong pulis at sundalo. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *