Red tagging sa mga progresibong grupo, kinondena ng AMGL-Nueva Ecija

Kinondena ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon ang deklarasyon ng Armed Forces of the Philippines na mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front ang mga progresibong grupo na aktibong nakikipaglaban sa mga isyu ng mamamayan.

Sa isinagawang press conference, pinabulaanan ng AMGL-Nueva Ecija ang akusasyon ng mga militar na nakailalim ang kanilang organisasyon at iba pang mga grupo sa CPP-NPA-NDF.

Matatandaan na iprinisenta ng 703rd Brigade Agila ng Philippine Army ang listahan ng mga natukoy na communist terrorist group sa huling Joint Meeting ng Local Special Bodies ng lalawigan.

Paliwanag ni Ginoong Ignacio Ortiz, tagapangulo ng AMGL-NE, dahil sa deklarasyon na ito ng mga militar ay nanganganib ang kanilang buhay samantalang lehitimo ang problemang kanilang ipinakikipaglaban at inihahapag sa gobyerno.

Ang paratangan umano sila bilang mga terorista ay isang paraan ng pag-atake at panunupil sa kanilang hanay kasabay ng militarisasyon sa mga lugar dito sa Nueva Ecija na may mga usapin sa lupa.

Panawagan ng AMGL sa mga namumuno sa pamahalaan na imbestigahan ang mga pananakot at karahasan na nagaganap na sangkot ang mga militar.- ulat ni Clariza de Guzman


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *