Renobasyon ng tanggapan ng Sangguniang Panlalawigan at Session Hall, uumpisahan na ngayong taon

Sa Unang Pangkaraniwang Pagpupulong ngayong taon ay ipinahayag ni Vice Governor Anthony Umali na mas lalong mapapabilis na ang pagproseso ng mga kahilingan na daraan sa Sangguniang Panlalawigan dahil sa makabagong kagamitan at sistema na kanilang ipinapatupad.

Ayon sa Pangalawang Punong Lalawigan, sa loob ng anim na buwang pagtatrabaho sa Sanggunian ay masasabi niyang mahusay ang pagganap ng bawat isa dahil sa mabilis nilang aksyon.

Ang inabutan nilang mahigit na limang daang backlogs noong July 2019 ay natapos na nila bago ang sumapit ang bagong taon.

Asahan pa aniya ang mas mabilis na pagproseso ng mga kahilingan na resolusyon at ordinansa dahil sa mga bagong computer na ipinamigay sa mga Bokal.

Bukod sa mahusay at mabilis na serbisyo ay ninanais din ng mga miyembro ng Sanggunian na mapaganda ang mga pasilidad ng SP.

Uumpisahan na aniya nitong taon ang renobasyon ng buong tanggapan ng Sanggunian, opisina ng mga bokal at Session Hall upang maging komportable ang mga darating na bisita.

Dagdag pa ni VG Umali, asahan ng publiko na mas pagbubutihan nila ang trabaho sa mga susunod pang panahon upang maipadama ang malasakit sa kapwa ng Pamahalaang Panlalawigan. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *