Rio Chico Elementary School, kampeon sa kauna-unahang Flag Dance Showdown sa bayan ng General Tinio

Itinanghal na kauna-unahang kampeon sa Flag Dance Showdown sa bayan ng General Tinio (Rio Chico Elementary School)

Todo bigay sa paghataw ang mga piling mag-aaral ng Rio Chico Elementary School dahilan upang masungkit ang kampeonato sa kauna-unahang Flag Dance Showdown na ginanap sa bayan ng General Tinio nitong nakaraang Sabado, March 9, 2019.

Ipinakita ng mga mananayaw mula sa RCES ang kanilang kahanga-hangang routines sa paggamit ng bandera na talaga namang kinaaliwan ng mga manonood.

Nakakuha ng score na 95 percent mula sa limang hurado ng ibat-ibang bayan ang nasabing grupo at nag-uwi ng cash prize na P25,000 pesos.

Itinanghal na 1st Runner-up sa Flag Showdown (General Tinio Central School)

Hakot award naman ang General Tinio Central School dahil bukod sa nasungkit nila ang 1st runner-up ay nakamit rin ang mga special awards na Best in Costume, Best in Flag at cash prize na P20,000 pesos.

Hinirang naman na 2nd runner-up ang General Tinio East Central School, 3rd runner-up ang Bago Elementary School at 4th runner-up ang Pias Elementary School na kapwa nakapag-uwi rin cash prizes na P15,000, P10,000 at P8,000 pesos.

Ang Flag Dance ay inorganisa ni Gil Bulacan upang magkaroon ng bagong mapapanood ang mga tao sa kanilang lugar.

Dagdag pa ni Bulacan, iisang tugtog lamang ang kanilang ginamit upang mas madaling makita kung anong grupo ang pinakamagaling pagdating sa pagsayaw.

Ayon naman kay Mayor Melvin Pascual, layunin nito na maipakita ng mga elementary students ang kanilang mga talento at mapagtibay ang tiwala sa sarili.

(L-R) Padolina Elementary School (Best Flag Dance Muse); Sto. Nino Diocesan School (1st Runner-up); at General Tinio Central School (2nd runner-up)

Samantala, hiyawan naman ng manonood ang bumungad nang rumampa ang mga naggagandahang muse bilang representante ng kanilang eskwelahan.

Itinanghal na Best Flag Dance Muse ang pambato ng Padolina Elementary School , 1st runner-up ang Sto. Nino Diocesan School at 2nd runner-up ang General Tinio Central School.

Ang Flag Dance Showdown ay bahagi ng kanilang 102nd Founding Anniversary na may temang “Tuloy sa Pagkilos, Pagbabago at Asensong Lubos.- Ulat ni Shane Tolentino


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *