Road rehabilitation sa bayan ng San Antonio, tututukan ni Mayor Arvin Salonga sa kanyang ikalawang termino

Tututukan umano ni Mayor Arvin Salonga sa kanyang ikalawang termino ang pagpapasemento ng ilang mga kalsada sa bayan ng San Antonio at ang pagsasaayos ng Provicial Road na nagdudugtong sa mga bayan ng Jaen, San Antonio at Cabiao.

Ginawa ni Mayor Salonga ang pahayag na ito sa aming panayam sa kanya pagkatapos ng Oath Taking Ceremony o ang panunumpa sa katungkulan ng mga bagong halal na opisyal ng bayan ng San Antonio noong Lunes, July 1, 2019.

Aniya, sa kasalukuyan ay nasa 41 kilometers na mga kalsada sa kanyang nasasakupang barangay ang hindi pa naipapasemento na siyang bibigyan ng prayoridad.

Rehabilitasyon naman ang plano para sa tinatayang 3.5 kilometers na kalsada na nagdudugtong sa bayan ng Jaen hanggang sa kabayanan ng San Antonio para sa mas maginhawang biyahe ng mga mamamayan.

Ito ay nakatakdang isakatuparan sa tulong ng Pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija sa pamumuno ni Governor Aurelio Matias Umali na siyang nagsilbing panauhing pandangal sa seremonya.

Bilang pagsuporta ay kasama ring pumunta ng Ama ang Lalawigan sa Oath Taking Ceremony si Vice Governor Doc Anthony Matias Umali na mainit ding tinanggap ng mga taga-San Antonio.

Sa talumpati ni Governor Umali, sinabi nitong isa ang bayan ng San Antonio sa mga prayoridad ng Provincial Government na matugunan at mabigyang katuparan ang mga proyekto.

Dagdag pa nito, kasabay ng pagsasaayos ng mga kalsada ay ang paglalagay ng mga drainage system upang sa panahon ng mga kalamidad ay malimitahan ang pagbaha sa naturang bayan.

Nagpasalamat din ang gobernador sa mga mamamayan ng San Antonio dahil sa walang sawang pagsuporta ng mga ito sa kanya mula sa umpisa hanggang sa kasalukuyan. –Ulat ni Jessa Dizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *