RTL, kalamidad, pananampalataya, tema ng Street Dancing Competition sa 4th Farmers Festival ng Brgy. Triala, Guimba

Pasakit ng Rice Tariffication Law, mga kalamidad na sumira sa mga pananim ng mga magsasaka na nagdulot ng pagkalugi nila, at pananampalataya kay Senyor Sto. Niño, ilan ito sa mga naging tema ng Street Dancing Competition ng pitong “tribu” na kinapapalooban ng dalawampu’t limang barangay o chaplains ng Our Lady of the Sacred Heart Parish sa Barangay Triala, Guimba, para sa selebrasyon ng 4th Farmers Festival bilang pagpaparangal kay Senyor Sto. Niño.

Sa kabila ng mga dagok na kinaharap ng mga magsasaka bunsod ng pagbagsak ng presyo ng palay at pagdating ng mga kalamidad ay ipinakita sa kanilang performance na kayang-kaya nila itong lagpasan sa pamamagitan at tulong ni Senyor Santo Niño.

Ayon kay Fr. Gabriel Galido Jr., Parish Priest ng naturang simbahan, sinimulan nila ang pagdiriwang sa kapistahan ni Senyor Sto. Niño taong 2017, dalawang taon matapos itong maging pari doon at nakita nilang dagsa ang mga tao kaya naman inulit nila ito noong sumunod na taon at napagkaisahan nilang ipagdiwang ito taun-taon.

May ilan din aniyang mga grupong nag-organisa upang magtanghal at sumasayaw sa kalsada kaya naman taong 2019 sa ikatlong taon ng selebrasyon ay ginawa na nila itong patimpalak sa tugtog ng sinulog hanggang sa kasalukuyan.

Idinaan ang paggunita kay Senyor Sto. Niño at pagdiriwang ng ika-apat na taon ng Farmers Festival sa isang parada habang masayang sumasayaw ang mga mamamayan hawak ang iba’t ibang laki ng imahe ng santo, kasama ang mga float ng bawat “tribu” sakay ang imahe ni Senyor Sto. Niño na dinesenyuhan ng iba’t ibang uri ng gulay o mga inani ng mga magsasaka.

Sa pahayag ni Father Galido, mensahe ng kapistahan ni Senyor Santo Niño sa mga magsasaka na anumang pagsubok ang kanilang dinanas ay ipinaaalala nito na patuloy lamang ang buhay at hindi dapat magpatalo sa mga problema, dapat pa ring maging masaya sapagkat may Diyos na laging nagmamahal sa kanila.

Dagdag nito, isa din sa layunin ng pagkakaroon ng Farmers Festival ay upang maiugnay ng mga magsasaka ang kanilang buhay kay Senyor Santo Niño at sa pananampalatayang Katoliko.

Wagi sa Street Dance Competition ang tribu ng DAMATATACARCA o Dalaydayan, Manacsac, Tampac 1, Tampac 2-3, Cardinal at Catimon, pumangalawa naman ang tribu SANTA CASA o  Sta. Cruz, Caballero, San Bernardino at pangatlo ang AGCABUNAG o Agcano, Caingin, Bulakid at Nagpandayan.

Nanguna naman sa Float Competition ang tribu ng MAMACON o Maturanoc 1, Maturanoc 2 at 5 at Consuelo, nasungkit naman ng SANTA CASA ang 2nd prize at wagi din sa ikatlong posisyon ang tribu ng BUFAISI o Bunol, Faigal at Sinulatan.

Float ng MAMACON o Maturanoc 1, Maturanoc 2 at 5 at Consuelo,
na kampeon Float Competition ng 4th Farmers Festival

Ang kampeon sa Street Dancing ay nakapag-uwi ng sampong libong piso, ang 2nd prize ay P9,000 at walong libong piso naman sa 3rd prize habang tumanggap naman ng tig-limang libong piso ang mga hindi pinalad manalo.— Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *