Sa Lungsod ng Cabanatuan, Bahay ng Kagawad, Pinaulanan ng Bala; at Sasakyan ng Secretary ng Sangguniang Panlungsod, Niratrat

Cabanatuan- Pinaulanan ng bala ng mga hindi nakilalang suspek ang tahanan ng isang kagawad sa Dona Adela Subdivision, barangay Mabini Homesite, Cabanatuan City.

Kinilala ang may-ari ng bahay na si Barangay Councilor Enrico Guillermo y Pilapil, singkwenta’y nueve anyos, ng naturang lugar.

Ayon sa ulat, dakong ala una ng madaling araw ng ratratin ang tahanan ni kagawad Guillermo subalit alas singko ng madaling araw, makaraan ang apat na oras na lamang niya natukalasan ang insidente.

Napinsala sa pamamaril ang bakod ng bahay, isang tricycle, at isang Toyota Town Ace van na pagmamay-ari umano ng kamag-anak ng kagawad.

Samantala, isa pang kaso ng pamamaril ang naitala sa Cabanatuan City nang ratratin ng mga hindi nakilalang suspek ang sasakyan ng secretary ng Sangguniang Panlungsod ng naturang lungsod.

Kinilala ang may-ari ng Toyota Fortuner SUV na kulay silver gray, at may plaka na RMM 212, na si Alfredo Ortaleza y Garcia, singkwenta’y syete anyos, residente ng General Luna Street, Cabanatuan City .

Base sa imbestigasyon, bandang alas tres ng madaling ng araw ng pagbabarilin ng mga suspek ang sasakyan ng biktima habang nakaparada sa garahe ng kanyang tahanan.

Narekober ng SOCO sa pinangyarihan ng krimen ang isang bala at isang basyo ng kaha ng kalibre kwarenta’y singkong baril.

Paalala po sa ating mga kaibigan, lagi po tayong maging alerto at mag-ingat, dahil ang krimen ay nangyayari kahit saan, kahit kalian. Ako po ang inyong Bantay Krimen, Clariza de Guzman.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *