Sagip Saka Act, direkta umanong tutulong sa mga magsasaka—Senator Kiko Pangilinan

Sa pagbisita ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa bayan ng Sta. Rosa noong Setyembre a bente para sa Farmers Consultation ay ipinagmalaki nito sa mga magsasakang naroroon ang kanyang iniakdang Sagip Saka Act o Republic Act 11321 na direkta umanong makakatulong sa pag-angat ng kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda sa bansa.

Sa kanyang talumpati ay sinabi ni Senator Pangilinan na oras na matapos na ang IRR o Implementing Rules and Regulations ng naturang batas ay maaari nang bilhin ng mga Mayors at Governors ang mga aning palay o anumang agricultural products ng mga magsasaka gayundin ng mga mangingisda sa pamamagitan ng negotiated contract sa presyong hindi sila malulugi at hindi na dadaan pa sa middle men o bidding.

Ani Pangilinan, sa halip na padaanin pa sa mga middle men ang pagbebenta ng mga produkto ng mga magsasaka ay direkta na dapat itong bilhin sa kanila sa mas mataas na halaga bilang tulong ng mga Lokal na Pamahalaan.

Nakasaad sa naturang batas ang pagbuo ng farmer at fisher folk enterprise program na magbibigay ng modernong teknolohiya sa pagsasaka at pangingisda maging sa pagnenegosyo.

Sa aming panayam sa senador ay sinabi nito na isa sa dahilan ng kanyang pagbisita sa lalawigan na tinaguriang Rice Granary of the Philippines at kabilang sa pinaka-apektado ng importasyon ng bigas at pagbagsak ng presyo ng palay ay upang personal na alamin sa mga magsasaka ang kanilang mga suliranin sa bukid upang maidepensa nito ang mga batas para amyendahan ang Rice Tariffication Law.

Kabilang sa mga suliranin at hinihiling ng mga ito ay ang masigasig na pamimili ng National Food Authority sa kanilang mga aning palay, palugit sa pagbabayad ng kanilang mga utang, mga kagamitan sa bukid o postharvest facilities at cash assistance mula sa gobyerno dahil sa pagkalugi sa nagdaan at kasalukuyang anihan.

Lahat aniya ng mga suliraning ito ay kanyang ilalatag sa senado at sa kanyang pakikipagpulong kay Department of Agriculture Secretary William Dar upang makapagsulong ng iba pang programang makatutulong sa mga magsasaka.—Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *