Sambayanang Katoliko, ginunita ang ika-40 taong anibersaryo ng Gabalding

Ginunita ng sambayanang Katoliko ng mga bayan ng Gabaldon, Nueva Ecija at Dingalan, Aurora ang kasaysayan ng Gabalding na ika-apatnapong taon nang ginaganap tuwing Biyernes Santo.

Base sa kasaysayan ng Gabalding na isinulat nina Fr. Jun Gregorio at Fr. Manny Leyran, noong mga huling taon ng dekada sitenta na  wala pang sariling pari ang Dingalan ang Kura Paroko noon ng Gabaldon na  si Father Pepito “Pites” Bernardo katuwang ang mga lider layco at mga katekista ang nagsumikap na pag-ugnayin ang dalawang parokya.

Taong 1978 nang isagawa ang kauna-unahang Gabalding Daang Krus ng mga miyembro at manggagawa ng Parokya ni San Pablo Apostol ng Gabaldon at San Patricio ng Dingalan na naglakad simula sa kani-kanilang bayan at nagtagpo sa itinalagang bundok ng kalbaryo kung saan pinagnilayan ang “Pitong Huling Wika” ng Panginoong Hesus na ang tema at paksa ay pagmamalasakit at pagkalinga sa buhay ng Inang Kalikasan.

Si Fr. Pepito “Pites” Bernardo ang paring nagsumikap na pag-ugnayin ang sambayanang katoliko ng mga bayan ng Gabaldon, Nueva Ecija at Dingalan, Aurora upang labanan ang pagwasak sa kabundukan ng Sierra Madre.

Ngunit 1984 nagkanya-kanya ng paglulunsad ng Daang Krus ang dalawang parokya dahil sa pagkawala ni Fr. Pites Bernardo at nagkaroon na rin ng sariling kura-paroko ang Dingalan. 1989 naibalik ang ugnayan ng dalawang simbahan at ipinagpatuloy ang Gabalding sa pangunguna ng mga pari ng Gabaldon na si Fr. Edwin Beley at ng Dingalan na si Fr. Israel Gabriel.

Muling sumibol ang magkasamang pagtutol at pagtuligsa sa mga isyung panlipunan tulad ng sugal na jueteng at pagtatanggol sa kalikasan, naglunsad ng rally at pagharang ng taumbayan sa mga truck na may kargang troso na galing sa Umiray na dumadaan sa Gabaldon.

Nag-hunger strike ang mga lider ng dalawang parokya at pumunta sa tanggapan ng noo’y Department of Environment and Natural Resources Secretary Fulgencio Factoran.

Mula noon hanggang ngayon ay patuloy na ipinagdiriwang ang kasaysayan ng Gabalding at ipinamana sa mga kabataan ang malalim na pagsunod sa Daan ng Krus ng Panginoong Hesu Kristo.

Ilan sa mga namamata taun-taon simula noong mga bata pa ay sina Lourdes Valdez ng barangay Cuyapa, Gabaldon at Anne Marie Conception Doliente ng barangay Bagting, Gabaldon.

Ayon kay Lourdes, dalawang beses nang pinagbibigyan ng Panginoon ang kanyang kahilingan. Una ang paggaling ng kanyang asawang nagkasakit sa bato sumunod ang pagkakaroon nya ng pangalawang anak.

Habang si Anne Marie naman ay humihiling na makatapos ng pag-aaral ang kanyang mga anak.- ulat ni Clariza de Guzman


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *