Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija, bukas sa publiko

“Ang Sangguniang Panlalawigan ay bukas sa publiko.”

Ito ang ipinahayag ni Vice Governor Anthony Umali sa pagbubukas ng Inaugural Session ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa mga mamamayan at media man na magnanais na makasaksi ng mga Regular Session.

Mas ninais ng Pangalawang Ama ng Lalawigan na idaos ang pagpupulong sa Ampi Theater ng Kapitolyo kaysa sa Conference Room ng Sanggunian na maliit ang ispasiyo at kakaunti lamang ang malalamnan na tao.

Sa unang pagpupulong ay itinalaga ng Presiding Officer ang 21 komite na hahawakan ng bagong hanay ng Sanggunian.

Si Senior Board Member Rap-Rap Villanueva ang magiging Chairman ng committee on ways and means at committee on agriculture and cooperatives.

Dalawang komite rin ang hahawakan ni 4th District BM Joy Pascual ang committee on good government, public ethics and accountability at committee on investigation.

Pamumunuan naman ni 4th District BM Nap Interior ang committee on public works at committee on health and sanitation.

Ang committee on housing, land utilization and environmental protection at committee on public utilities ang para kay 1st District BM Eric Salazar.

Si 1st District BM Ler De Guzman ang chairman ng committee on education at committee on trade, commerce and industry.

Ang committee on laws, rules and regulations at committee on national and international relations ang para kay 5th Termer BM Joseph Ortiz. Committee on finance, budget and appropriation at committee on games and amusement ang itinalaga para kay Philippine Councilors League (PCL) President Ferdinand Dysico.

Si SK President Sweet Cruz ang mamahala ng mga lupon ng tourism and culture at youth and sports development.

Ang committee on poverty alleviation at committee on indigenous people kay Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) President Andrew Biscalog.

Habang ang committee on human rights kay 3rd District BM EJ Joson; committee on disaster and rehabilitation, peace and order, and public safety kay Liga ng Barangay President BM Ariel Matias; at committee on social welfare, women and family kay 4th District BM Tess Patiag.

Iniluklok naman si BM Eric Salazar bilang bagong Pro Tempore.

Ayon kay Vice Gov. Umali, bagama’t magkakaiba ng paniniwala ay magkakaisa naman sila pagdating sa pagtatrabaho.

Bukod sa pagpasa ng mga makabuluhang batas para sa lalawigan ay plano rin ng bagong hanay na gawing moderno ang kanilang sistema.

Masaya ang Bise Gobernador sa muling pagbabalik sa Sangguniang Panlalawigan matapos maglingkod bilang 3rd District Board Member noong 2010.

Ang pagiging bukas sa publiko ay ginawa rin niya sa pamumuno sa Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan bilang Vice Mayor. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *