Sangguniang Panlalawigan, siniguro na makararating sa mga Magsasakang Novo Ecijano ang mga programa ng DA

Makakaasa ang mga magsasakang Novo Ecijano na patuloy na makatatanggap ng tulong mula sa pamahalaang nasyunal matapos bigyan nang karapatan ng Sangguniang Panlalawigan ang provincial government sa katauhan ni Gov. Aurelio Umali na makipagkasundo sa Department of Agriculture (DA).

Ang kasunduan ay ukol sa dalawang malaking programa ng kagawaran, ang rice mechanization program at pagkakaloob ng farm machineries.

Ayon kay Vice Governor Anthony Umali, napakalaking bagay para sa mga magsasaka ng probinsiya ang mga ayuda mula sa pamahalaang nasyunal upang manatili at mapagyabong ang pangunahing kabuhayan ng mga ito.

Bukod dito, ay patuloy pa rin aniya ang Provincial Food Council sa pamimili ng palay sa mga maliliit na magsasaka sa mas mataas na presyo.

Samantala, nagpapasalamat naman ang buong Sangguniang Panlalawigan sa mainit na pagtanggap ng mga mamayan ng bayan ng Pantabangan sa kanilang pagdating dahil dito ginanap ang ika-anim na karaniwang pagpupulong.

Para naman kay Mayor Roberto Agdipa, isang karangalan na mabisita at mapagdausan ang kanilang lugar ng mga ganitong klaseng pagpupulong.

Ang pagbisita ng SP sa iba’t-ibang bayan at lungsod ay naglalayon na mailapit ang kapitolyo sa lalawigan. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *