Seguridad sa Eleksyon 2019, pinaplantsa ng COMELEC, PNP at AFP

Nagpulong ang mga kawani ng Commission on Elections (COMELEC), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Department of Education (DEPED), Department of the Interior and Local Government (DILG), kasama ang Provincial Administrator at Provincial Treasurer bilang preparasyon sa nalalapit na halalan sa Mayo 13, 2019.

Ayon kay Provincial Election Supervisor Atty. Jonalyn Sabellano, layunin nito na masiguro ang kaayusan at seguridad sa lalawigan bago at matapos ang araw ng eleksyon.

Tinalakay ang mga dapat gawin sa pre-election day, election day at post voting.

Kabilang na ang pagsasailalim sa training ng election boards, final testing and sealing, casting of votes, transmission ng resulta, printing, posting at distribution ng election returns.

Maging ang pagsasagawa ng Local Absentee Voting para sa mga empleyado na magtatrabaho sa araw ng eleksyon at ang proseso ng pagboto sa loob ng mga piitan.

Tiniyak naman ng Nueva Ecija Provincial Police Office (NEPPO) at 7th Infantry Division (7ID) ang kanilang suporta upang proteksyunan ang buong probinsiya.

Sa hanay ng 7ID, apat na batalyon ang nakadeploy sa iba’t-ibang lugar sa Nueva Ecija.

Habang humigit kumulang dalawang libo at apat na raang kapulisan naman ang kasalukuyang kumikilos upang magsagawa ng checkpoints at iba pang operasyon.

Sa pahayag ni NEPPO Acting Provincial Director PSSUPT Leon Victor Rosete, sa pangkalahatan ay maituturing na payapa ang sitwasyon sa lalawigan mula ng magsimula ang election period noong January 13.

Samantala, sa pagsisimula ng siyam na pung araw na campaign period ng mga tumatakbo sa national position kahapon, February 12 ay nagpaalala ang COMELEC na huwag maging pasaway.

Aniya, magpaskil lamang ng posters na may tamang sukat sa common poster area na itinatadhana ng poll body.

Sa March 29 naman magsisimula ang campaign period sa lokal na posisiyon. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *