Selebrasyon ng Flores De Maria, sinimulan na ng Diocese of Cabanatuan

Iniluklok sa dambana ng St. Nicholas Cathedral sa Lungsod ng Cabanatuan ang Birheng De Las Flores bilang hudyat ng pagsisimula ng Flores De Maria o ang isang buwan na pagbibigay parangal kay Birheng Maria na nagtataglay ng huwarang kalinisan at kabutihan.

Ayon kay Llandro Andrei Borja, Hermano Mayor ng Flores De Maria 2018, sa loob ng isang buwan simula noong May 1 hanggang 31 ay aalayan ng bulaklak, pagsinta at harana ang Birheng De Las Flores.

Nakapaloob din sa buong buwan ng selebrasyon ang mga Outreach program at pagbisita sa mga orphanage o bahay ampunan tulad ng Tahanan ni Maria upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga Katolikong kababaihan doon.

Magkakaroon din ng novena at misa araw-araw, sa umaga ang oras ng misa ay alas sais at sa hapon ay alas singko trenta.

Sa huling araw ng pagdiriwang ay gaganapin ang Flores De Maria Grand Procession o ang parada ng mga makikinang na bulaklak bilang pagbibigay respeto sa Mahal na Birhen.

Hinikayat naman ni Borja ang lahat ng mga Katoliko na makiisa sa pagdiriwang ng Flores De Maria at dumalo sa mga pagmimisa.

Sa panayam naman kay Elrick Jabe Sevilleja, Coordinator ng Ministry of Altar Servers, pinaniniwalan ng mga mananampalatayang katoliko na ang selebrasyon ay ginugunita bilang parangal sa inang nagsilang ng sanggol na magliligtas sa sangkatauhan.

Kasabay ng unang araw ng pagdiriwang noong lunes ng Flores De Maria ay nagsagawa ng misa bilang paggunita kay St. Joseph The Worker na huwaran ng mga manggagawa na pinangunahan ni Rev. Fr. Arnold Rabuza, Marian Missionary of the Holy Cross.—Ulat ni Jovelyn Astrero

https://youtu.be/jbSz6q7CBo8


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *