Selos at galit sa mga kaanak, motibo ng suspek sa massacre sa San Leonardo

Himas rehas ngayon ang kwarenta’y uno anyos na si Jessie Tesoro matapos ang pagmasaker sa kanyang mga kaanak sa bayan ng San Leonardo kamakailan kung saan anim ang patay habang isa ang sugatan.

Ayon sa suspek, nagawa nitong pagtatatagain ng itak ang kanyang live-in partner na pinsang buo nito na si Jennifer Cariaga dahil sa selos sa dati nitong kinakasama na kasalukuyang nakakulong.

Nakapiit si Jessie Tesoro, suspek sa San Leonardo Massacre, sa San Leonardo Police Station matapos itong mahuli ng mga kapulisan sa Brgy. Cut-cut, Tarlac City.

Pinaghihiwalay daw kasi sila ng ina ni Jennifer na si Leonila Cariaga dahil nais nitong magkabalikan ang anak at ang dating nobyo na malapit ng lumaya mula sa bilangguan.

Bago maganap ang karumaldumal na krimen ay nakaharap pa umano ng suspek sa inuman si Jennifer at ilang kaanak na nadamay din sa masaker.

Kwento ni Jessie, bago ang inuman ay nawalan ito ng halagang 1,500 pesos at pinagtawanan siya ng kanyang mga kainuman at tinawag na baluga.

Dahil sa pambubully sa kanya ay nagkaroon ng sama ng loob si Jessie at umalis siya upang ibenta sa pinagtatrabahuhan ang kaniyang itak ngunit hindi ito kinuha ng kaniyang amo. Sa halip sinabi umano nito na bibigyan na lamang siya ng pera kinabukasan. Nang umuwi si Jessie ay hindi umano siya pinapasok ng mga kaanak at sinabing sa labas siya matulog.

Kwento pa ng suspek, kinalaunan ay pinapasok din siya ni Jennifer ngunit tumanggi itong tumabi sa kanya sa pagtulog.

Dakong alas kwatro ng madaling araw noong April 20 ay isinagawa nito ang krimen.

Naganap ang krimen sa inuupahang bahay ng mga biktima sa Purok 6, Brgy. Tambo Adorable, San Leonardo, Nueva Ecija noong April 20, 2018.

Kabilang sa mga pinagtataga nito ay ang mga kapatid ni Jennifer na sina Sergio Caballero, 29 years old; Amy Caballero, 12 years old; Joshua Caballero, 10 years old at ang ina ng mga ito na si Leonila Cariaga, 48 years old, at ang bayaw ng suspek na si Sonny Custodio habang nakaligtas naman ang isa nilang kapatid na si Annalyn Caballero, 19 years old at kasalukuyang nagpapagaling sa PJG o Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research And Medical Center, na siyang nakapagturo sa suspek.

Napag-alaman na si Jessie at ang mga biktima ay galing ng Tarlac City at nangupahan lamang sa bayan ng San Leonardo may tatlong linggo ng nakakaraan.

Samantala, sobrang nagsisisi ang suspek sa nagawang krimen at tanggap umano nito anumang parusang ihahatol sa kanya.

Sa panayam naman kay Police Chief Inspector Ranny Casilla, bagaman nakatakas si Jessie matapos isagawa ang krimen, kalaunay nahuli din ito sa Brgy. Cut-cut, Tarlac City sa pinagsanib pwersa at pakikipagtulungan ng Regional PNP, San Leonardo PNP, Tarlac PNP at CIDG.

Negatibo rin aniya sa iligal na droga ang suspek at naisampa na rin ang kasong multiple murder at frustrated murder laban  dito na kasalukuyang nakapiit sa San Leonardo Police Station. –ulat ni Irish Pangilinan


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *