Sen. Villar, aminado na naghihirap ang mga magsasaka dahil sa Rice Tariffication Law

Sa mensaheng ipinaabot ni Sen. Villar sa 1,098 magsasaka na benepisyaryo sa Launching ng SURE Aid program ng Department of Agriculture inamin nito na ang Rice Tariffication Law ang dahilan ng paghihirap ng mga magsasaka.

Una sa lahat natutuwa po si Senator Villar na may pauna ng tulong sa mga magsasaka na binuo ng Department of Agriculture at Landbank of the Philippines,  dahil alam naman nating lahat  na dahil sa Rice Tariffication Law na pumasa noong March 2019 nagkakaroon po ng  agam agam at hirap ang ating mga magsasaka dahil sa  pagbabago ng sistema mula sa quantitative restriction  para maging tariffication.  – Atty. Rhaegee Tamaña, Chief of Staff of Senator Cynthia Villar

Ito ang ipinaabot na mensahe ni Senator Cynthia Villar  sa mga magsasaka na binasa ng kanyang Chief of Staff na si Atty. Rhaegee Tamaña, sa ginanap na Expanded Survival and Recovery Assistance Program for Rice Farmers o SURE Aid Program ng  Department of Agriculture  at  Land Bank of the Philippines na  ginanap sa Zaragoza, Nueva Ecija. 

Bilang tugon umano ng senado sa patuloy na pagbagsak ng presyo ng palay  ay gagamitin  ang sampong bilyong pisong pondo  ng Rice Competitiveness Enhancement Fund o ang taripa  ng imported na bigas  ngayong 2019 upang tulungan ang mga magsasaka na makaahon sa kahirapan.

Ang SURE Aid Program ay tulong ng Department of Agriculture at  Land Bank of the Philippines  sa mga maralitang magsasaka  na may isang ektarya pababang sakahin kung saan pauutangin ng 15,000 pesos ang magsasaka ng walang collateral, walang interes at maaaring bayaran sa loob ng walong taon.

1,098 magsasaka, na benepisyuhan sa Launching ng SURE Aid Program

Umabot sa 1, 098 na magsasakang benepisyaryo mula sa Quezon, San Jose City, Rizal, Bongabon, Gapan Cabiao, Palayan, General Tinio, Zaragoza, General Natividad at Tarlac  ang tumanggap ng card na naglalaman ng 15,000 pesos na maaari nang i- withdraw sa mga Land Bank ATM outlets.

Food Council ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija, mamimili nan g palay simula October 1

Maging si Governor Aurelio Umali ay naglahad din ng solusyon sa pamamagitan ng itinatag na Provincial Food Council na bibili ng basa o sariwang  palay ng mga maralitang  magsasaka na may isang ektarya pababang sakahin sa halagang 15 pesos per kilo na sisimulan sa Oct. 1, 2019.

Panawagan ni Governor Oyie sa paggunita ng ika-isandaan at dalawampong taong paggunita ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija ang pagtulong ng bawat isa upang maibsan ang paghihirap ng ating mga magsasaka. 

Sa panayam kay Agriculture Secretary William Dar sinabi nito na magkakaroon ng pagpupulong ang mga gobernador ng mga probinsya upang umabot sa darating na anihan ang implementasyon ng pagbili ng provincial government ng palay na inisyatiba ni Governor Umali.

Bilang kinatawan ng mga magsasakang benepisyaryo ay nagpasalamat si Ceferino Morales Jr. na isang magsasaka mula Nueva Ecija sa tulong na hatid ng Department of Agriculture at Land Bank. – Ulat ni Amber Salazar


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *