Skydiving Exhibition, isa sa highlights ng 57th Founding Anniversary ng Special Forces Regiment Airborne

Inabangan ng mga bisitang dumalo sa pagdiriwang ng 57th Founding Anniversary ng Special Forces Regiment (Airborne), Philippine Army sa Fort Ramon Magsaysay, Palayan City noong Martes, June 25, 2019 ang magkakasunod na pagtalon at paglanding sa lupa ng apat na magigiting na mga miyembro nito sa Skydiving Exhibition na isa sa highlights ng selebrasyon.

Mula sa itaas ay matiyagang hinintay ng mga bisita—kabilang ang mga pamilya ng mga miyembro ng Special Forces Alumni Association Incorporated at mga Outstanding Military Personnel at Civilian Awardee, ang nakakapanabik at makapigil hiningang paglanding ng apat.

Kabilang din sa highlights ng programa ang promotion ni Colonel Lincoln Francisco Tagle, Commander ng SFRA bilang Brigadier General.

Binigyang pugay at parangal din ang mga natatanging kasundaluhan ng Special Forces at SFAAI dahil sa hindi matatawarang paggampan sa kanilang tungkulin at inisyatibo sa pagpapanatili ng kapayapaan sa iba’t ibang sulok ng bansa.

Kinilala rin ang mga sibilyan na naging katuwang ng Special Forces sa pagsasakatuparan ng samu’t saring pangkapayapaan at pangkaunlarang programa para sa mamamayang Pilipino.

Nagsilbi namang Panauhing Pandangal sa pagdiriwang si Lieutenant General Macairog Alberto, Commanding General ng Philippine Army na nagpahayag ng pagsaludo sa Special Forces dahil sa kanilang dedikasyon sa pagsisilbi para sa bayan.

Sa kanya ding talumpati ay sinabi nito na ang selebrasyon ng kanilang anibersaryo ay isang pagpapaalala sa tunay na layunin ng pagkakatatag ng kanilang unit at ng kanilang kakayanan sa pagtatanggol sa kapayapaan at kalayaan ng bansa.

Bago matapos ang kanyang mensahe ay hinikayat ni LtGen Alberto ang mga ito na patuloy na paghusayan ang kanilang mga kakayanan at kagalingan sa pakikipaglaban sa digmaan.

Samantala, matapos ang maikling programa ay nagkaroon naman ng masaganang pananghalian ang mga Opisyal, mga bisita at buong tropa ng Special Forces Regiment Airborne sa isang boodle fight o sabay-sabay at kamayang kainan.— Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *