‘Social media, mabisang paraan para maiangat ang turismo’ –Bb. Gabaldon 2020

Nakuha ni Bb. Gabaldon 2020, Xenneath Andrea Adriano ng Brgy. South Poblacion ang puso ng mga hurado sa kanyang sagot kung paano nitong maiaangat ang antas ng turismo sa kanilang bayan.

Hiyawan ang mga supporters ni Xenneath nang sabihin nitong mas makikilala ang magagandang tanawin at makapanghihikayat ng mas maraming turista ang kanilang bayan sa pamamagitan ng pagkuha ng video at mga larawan nito upang i-upload sa social media tulad ng Facebook.

Personal din aniya nitong iimbatahan ang kanyang mga kakilala at kaibigan upang bisitahin ang kanilang lugar.

Pagtatanim naman ng puno upang mas lalong mapaganda ang kabundukan ng Sierra Madre para maka-engganyo ng mga dumarayo ang sagot ni Bb. Gabaldon 2020 – 1st Runner-up Maria Isabel Sudario.

Napanalunan din ni Maria Isabel ang Best in Production Number, Best in Evening Gown at tatlo pang special awards kasama ang Ms. Close-Up Smile.

Mula sa labing apat na naggagandahang dilag na nagpatalbugan sa pagrampa suot ang kanilang creative attire, swimsuit attire at evening gown ay pinili ang Top 5 sa mga ito.

Nanalo bilang 2nd runner up si Maxine Lois Pagaragan ng Brgy. Ligaya na nakakuha ng minor award na Best in Creative Attire at apat na special awards kabilang ang Ms. Photogenic at Darling of the Crowd.

Si Candidate #1, Princess Diana Alvaran naman na nagmula rin sa Brgy. Ligaya ang 3rd Runner-up, nag-uwi ng Best in Talent at dalawang special awards.

Habang 4th Runner-up naman si Candidate #7 Arabella Piga ng Brgy. North Poblacion na nagkamit ng Best in Swimsuit at tatlong special awards.

Bagaman hindi nakapasok sa Top 5 ay humakot din ng special awards si Candidate #3, Kathlene Kate Mauricio ng Brgy. Pantoc.

Naiuwi din ni Bb. Gabaldon 2020 ang ilan sa special awards kabilang ang Ms. Jas Choice Award, Morena’s Choice Award at GHL Events and Multimedia Production Choice Award. –Ulat ni Jessa Dizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *