SP bumubuo ng resolusyon, upang mapanatiling COVID-19 free ang Nueva Ecija

Binubuo na ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ang isang resolusyon upang mas lalong maprotektahan at mapanatiling COVID-19 free ang Nueva Ecija.

Sa pamamagitan ng sama-samang panukalang pagpasa ng resolusyon ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan sa priviledged hour ay kasalukuyan nang binubuo ng SP ang guidelines upang mahigpit na maipatupad ng mga Local Government Unit (LGU), mga pribado at pampublikong institusyon, eskwelahan at iba pang sektor na sundin ang mga hakbang para labanan ang COVID-19 at iba pang uri ng nakahahawang sakit.

Sa suhestiyon ni Philippine Councilors League (PCL) President Belinda Palilio, kailangang atasan ang mga business establishments, kagaya ng malls at restaurants na obligahin na regular na mag sanitize ng mga kagamitan para sa kapakanan ng kanilang mga mamimili.

Iminungkahi naman ni 2nd district BM Esmeraldo Abalos, na pansamantalang ipagpaliban ang pagdaraos ng regular session sa mga piling munisipyo at city hall sa probinsiya. Ituloy na lamang daw ito kapag humupa na ang pagkalat ng nakahahawang virus.

Istriktong pagpapaliban naman ng mga malakihang pagtitipon ang ipinayo ni 2nd district BM Joseph Ortiz lalo na at panahon na ng pagdiriwang ng kapistahan sa iba’t ibang bayan at lungsod sa lalawigan.

Maigting na pagsunod sa protocol ng Department of Health, pagbabawal sa pakikipagkamay o beso-beso at paglalagay ng mga hand sanitizers at infrared thermometer, ang nais na maisama nila 4th district BM Nap Interior at 3rd district BM Jojo Matias.

Sa loob ng new capitol ay kasalukuyan nang may nakalagay na hand sanitizer at mga poster bilang paalala sa mga empleyado at bisita na maging maingat upang makaiwas sa virus.

Paalala ni Vice Governor Anthony Umali, manatiling maging maingat at palakasin ang katawan upang malabanan ang anumang uri ng sakit.

Ang pamahalaang panlalawigan aniya ay kumikilos upang aktibong makatugon sa mga kailangang gawin ukol sa pagsugpo sa COVID-19. –Ulat ni Danira Gabriel

Watch – SP bumubuo ng resolusyon, upang mapanatiling COVID-19 free ang Nueva Ecija


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *