Sunflower Garden sa CLSU, patok sa social media

Usap-usapan ngayon sa social media ang sunflower garden sa Research Extenstion and Training ng Central Luzon State University sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija. Patok ito hindi lamang sa mga millennials ngunit pati na rin sa mga may edad na.

Dinarayo ng mga tao ang unibersidad upang makita ang mga sunflower na kahali-halina at upang magpapicture sa nasabing garden na talaga namang instagrammable.

Ayon naman kay Maria Excelsis Orden, Director ng Research Office ng CLSU, nasa halos kalahating ektarya ang kanilang sunflower garden na magkakahiwalay. Nagsimula aniya ang pagtatayo ng sunflower garden noong 1970’s at nawala rin paglipas ng panahon. Pero nitong 2016, ay ibinalik nilang muli ito at pinamamahalaan ni Dr. Mario Agustin.

Aniya, ginagamit ito ng unibersidad para sa research upang determinahin ang potensyal ng sunflower sa paglikha ng langis na nanggagaling sa buto nito.

Kaya naman hinihiling nilang maging maingat ang mga bumibisita rito na iwasang maapakan o mabali ang mga halaman dahil kapag naputol ito ay hindi na magpoproduce ng buto na syang kinakailangan sa kanilang research.

Ayon pa kay Orden, ang pinagmulang buto ng kanilang sunflower ay nanggaling sa abroad at mula rito ay nakalikha sila ng variety na akma sa kondisyon ng klima sa Central Luzon at tinawag nila itong CLS-SUN o CLASSUN kung tawagin.

Dagdag pa nito, magkakaroon pa sila ng breeding studies sa sunflower upang magkaroon ng mas malalaki at pantay-pantay na taas ang mga ito.

Napag-alaman din na paglipas ng 10 araw ay nakayuko na ang mga bulaklak. Aniya, may bagong tanim silang sunflower na huling batch para sa dry season at 120 days naman ang iintayin bago mamulaklak ang mga ito. Posible rin aniyang subukan nilang determinahin kung maganda ang pamumulaklak ng sunflower kapag tag-ulan na.

Samantala, wala ritong entrance fee at bukas araw-araw ang sunflower garden ng CLSU para sa lahat. –Ulat ni Irish Pangilinan

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *