Sunog na bangkay, natagpuan sa Muñoz; Babae, binoga sa ulo, patay sa Jaen

Isang sunog na bangkay ng isang hindi pa nakikilalang lalaki ang natagpuan sa Casecnan Road, Sitio Parang, barangay Villa Isla, Science City of Muñoz nitong July 29, 2019.

Ang biktima ay may naka tattooing pangalan na Lorilyn sa likod, nakasuot ng sunglasses, may sing-sing sa kaliwang kamay at naka kulay pulang Islander na tsinelas.

Hindi na halos makilala ang lalaking pinatay at saka sinunog sa lungsod ng Muñoz.

Ayon sa salaysay ng isang saksi, 2:00 ng hapon habang nasa palayan siya ay nakarinig siya ng tatlong magkakasunod na putok ng baril ngunit binalewala nya lamang ito.

Makaraan ang sampong minuto ay natanaw nya ang malaking usok isandaang metro ang layo sa kanyang kinaroroonan.

Namataan din nya ang pagdaan ng isang stainless tricycle.

Narekober ng SOCO sa crime scene ang Racal motorcycle na may plate number 8345 YQ at isang basyo ng bala ng kalibre kwarenta’y singkong baril.

Sa bayan naman ng Jaen, patay ang isang hindi pa nakikilalang babae matapos barilin sa ulo ng hindi pa rin nakikilalang mga suspek nitong July 29, 2019.

11:00 ng gabi nang matagpuan sa gilid ng NIA irrigation canal ang biktimang may taas na five feet, nakasuot ng kulay itim na Adidas sweater, checkered na blouse, black pants at brown sandals.

Magkapareho ng suot na sing-sing ang babaeng binaril sa Jaen at bangkay ng lalaking sinunog sa Muñoz kaya inaalam ng mga otoridad kung may kaugnayan ang mga ito.

11:30 naman ng gabi nang makatanggap ng tawag ang istasyon ng pulisya tungkol sa putok ng baril na narinig sa lugar kung saan natuklasan ang biktima.

Nananawagan ang mga otoridad sa kung sinuman ang nakakakilala o may impormasyon sa dalawang bangkay na natagpuan sa Muñoz at Jaen ay mangyaring ipagbigay-alam sa kapulisan.- ulat ni Clariza de Guzman.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *