Swab testing booths mula sa pamahalaang panlalawigan, tinanggap ng tatlong bayan

Tinanggap ng tatlong bayan sa lalawigan ng Nueva Ecija ang mga swab testing booths o confirmatory test para sa COVID-19 mula sa pamahalaang panlalawigan noong September 3, 2020.

Isa rito ay ipinagkaloob sa Gapan District Hospital, isa sa DepEd Sta. Rosa at isa naman sa San Antonio District Hospital.

Ayon kay Dra. Adora Hernal Cruz Chief of San Antonio District Hospital, sa pamamagitan nito ay libreng maseserbisyuhan o masusuri ang mga Novo Ecijanong suspected case o makararamdam ng sintomas ng COVID-19.

Una nang nabigyan ng swab testing booths ang Guimba District Hospital, Guimba Community Hospital, Sto. Domingo District Hospital at ELJ Memorial Hospital noong nakaraang August 28, 2020.

Kasunod ang Palayan City Health Office, Bongabon District Hospital, San Jose City General Hospital at Science City of Munoz noong September 4, 2020.

Maging Nueva Ecija Police Provincial Office sapagkat madalas na humaharap o exposed sa maraming tao ang kapulisan na itinuturing na mga frontliners ngayong may pandemya.

Sa panayam ng Balitang Unang Sigaw kay Dra. Josefina Garcia, Chief of Provincial Health Office ay sinabi nitong susunod nilang magiging hakbang ang pagtuturo kung paano isagawa ang pagkuha ng swab sample.

Ito ay sa pamamagitan ng online training ng Department of Health Nueva Ecija (DOH-NE) sa mga medical technologist na representante ng bawat ospital sa lalawigan.

Nagpasalamat naman ang mga pamunuan ng mga ospital na tumanggap ng swab testing booth kay Governor Aurelio Umali, dahil malaking bagay umano para sa kanila ang mga ito upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan upang makaiwas sa kumakalat na virus.

Matatandaan na ang mga swab testing booths na ito ay ipinagkaloob ng Tau Alpha Fraternity ng University of the Philippines College of Engineering sa pamahalaang panlalawigan noong May 26, 2020. -Ulat ni Myrrh Guevarra


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *