Takbo para sa mga batang may kanser, handog ng Metro Lions Club

Isang makulay at makabuluhang 3 kilometrong pagtakbo ang inorganisa ng Cabanatuan City Metro Lions Club (CCMLC) sa pakikipagtulungan ng College for Research and Technology (CRT) upang makatulong sa mga batang mayroong sakit na cancer noong January 31, 2020 sa SM Mega Center.

Ayon kay Dr. Reynato Arimbuyutan, Chairman ng CCMLC, ang nalikom na pondo na nagkakahalaga ng P50,000 ay iaabot sa mga paslit na dumaranas ng cancer.

Ito ay nilahukan ng limang daan at tatlumpung katao na karamihan ay mga estudyante.

Nagsimula ang color run mula General Tinio St., paikot ng Melencio St., Gabaldon St., at bumalik ulit sa parking area ng nasabing mall.

Para sa first finisher na si Emmanuel Imbang, masaya siya na kahit sa maliit na bagay ay nakatulong sa mga may sakit.

Kahit pagod, nadapa o namulikat man ang paa ay kagalakan pa rin ang nangingibaw sa mga lumahok sa aktibidad.

Pagkatapos ng pagtakbo ay isang masayang concert at color throw party ang naganap na labis na ikinatuwa ng mga kabataan.

Sa pahayag ni Dr. Arimbuyutan, ito ay simula pa lamang ng kanilang mga makabuluhang aktibidad para mas lalong higit na makatulong sa mga nangangailangan. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *