Talentadong Novo Ecijano, nagtagisan sa Grand Finals

   Nagtagisan ng talento ang mga Novo Ecijano sa Grand Finals ng kauna-unahang “Talentadong Novo Ecijano” na programa ng Provincial Government ng Nueva Ecija na ginanap sa SM Cabanatuan City.

   Ang kompetisyon ay hinati sa tatlong kategorya ang singing category, dancing category at novelty category.

   Birit kung birit, hataw kung hataw, pasikatan kung pasikatan ang naging labanan ng dalawampu’t walong kalahok na pumasok sa huling bahagi ng paligsahan. Ang bawat isa ay hindi nagpaawat sa pagpapamalas ng kanilang angking talento.

   Ngunit sa huli, mas nangibabaw ang itinanghal bilang 2nd runner up na si Yumi Austria, Jonnel Dela Cruz sa 1st runner up at matagumpay na naiuwi ni Diadem Garengo ang kampeonato sa singing category.

   Sa dancing category naman ay pumwesto sa ikatlo ang GN dance crew, Pumangalawa ang Lil hyper crew at ang nagwagi sa unang pwesto ay ang Star ace dance company.

   At pagdating sa novelty category, nakamit ni Beat Boxer Jason Simbulan ang 2nd runner up, sumunod na nanalo ang komedyanteng si Amazing Mhiggy Mhighz at ang nagwagi ang Lady Drummer na si Pranchezka Victoria Lauren Liwag.

   Ayon kay Pippin Buencamino ang nagsilbing Chairman of the board of Judges, mas nahirapan sila na mamili ng mga mananalo sa novelty category.

   Ang Talentadong Novo Ecijano ang kauna-unahang kompetisyon na inorganisa ng pamahalaang panlalawigan, upang itampok ang mga natatanging talento ng lahing Novo Ecijano.

   Ayon kay Joel Dela Cruz Coordinator ng Talentadong Novo Ecijano, ang naturang kompetisyon ay bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-120TH  anibersaryo ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija. -Ulat ni Danira Gabriel

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *