Talento ng mga estudyante at guro ng TADNHS, ibinida sa ika-3 Concierto De Danza

Nagpakitang gilas sa pagtatanghal ng kanilang mga talento ang mga guro at estudyante ng T.A. Dionisio National High School sa ikatlong taon ng Concierto De Danza.

Sa umpisa pa lang ay iba’t-ibang klase ng sayaw ang inihataw ng mga estudyante na mula sa Grade 7 hanggang Grade 12 na nagpaindak sa mga manunuod.

Hindi naman naging hadlang ang kapansanan upang ipamalas ng mga learners with special needs ang kanilang talento sa pag-awit at pagsasayaw.

Damang-dama naman ng mga manunuod ang mga kinantang hugot song ni Shanel Aloria.

Humataw din sa pagsasayaw ang mga dating miyembro ng sayaw eskwela bilang pagbabalik tanaw sa pinanggalingang paaralan.

Hindi rin nagpahuli ang mga guro ng TADNHS sa pagpapasikat. Nag-ala Sarah Geronimo naman ang guro na si Milena Picart nang i-perform ang sikat na kantang tala.

Todo hataw sa power dance number ang sayaw eskwela members sa pangunguna ng kanilang guro na si Jeffrey Mallari.

Layunin ng programa na maitampok ang mga natatanging galing at husay ng mga mag-aaral sa harap ng maraming tao upang maitaas ang kumpiyansa sa kanilang mga sarili.

Ang pondong nalikom sa concert ay ilalaan para sa pagpapagawa ng TLE laboratories at kinakailangang kagamitan sa mga susunod na aktibidad.

Lubos ang pasasalamat ni Jovito Duque, School Principal IV ng TADNHS sa lahat ng mga sumuporta sa naturang concert.

Ito na ang ikatlong pagkakataon na nagtanghal ang Concierto De Danza ng TADNHS mula noong taong 2015 at 2017. –Ulat ni Danira Gabriel

Wacth – Talento ng mga estudyante at guro ng TADNHS, ibinida sa ika-3 Concierto De Danza


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *