Taong Putik Festival sa Bibiclat Aliaga, tatawagin nang pagsa San Juan

Bilang pagpupugay kay San Juan Bautista, tatawagin na umanong pagsa San Juan ang taunang Taong Putik Festival na isinasagawa ng mga Katoliko sa Bibiclat Aliaga Nueva Ecija.

Tuwing June 24 isang kakaibang pagdiriwang ang ginagawa tuwing kapistahan ni Apo San Juan Bautista sa Barangay Bibiclat, bayan ng Aliaga dahil sa pagpapahatid ng putik sa katawan ng mga mananampalataya at pagpapatong ng mga pinatuyong dahon ng saging sa ulo na natatakpan ang katawan.

Ang ganitong uri ng nakasanayang panata ng mga Katolikong mananampalataya ay tinawag na Taong Putik Festival.

Ayon kay Bishop Sofronio Bancud, ng Dioceses of Cabanatuan, bilang pagpupugay kay Apo San Juan bilang patron ng Bibiclat ang Taong Putik Festival ay pinalitan na ng Pagsa – San Juan.

Aniya, ang selebrasyon ay hindi pang-cultural show o pang tourist attraction kundi patungkol ito sa  pananampalataya kay Apo San Juan na dahilan ng mga himalang naranasan ng mga taga Bibiclat.

Sa panayam kay Benjie Corpuz na taal na taga Bibiclat, ang pagtataong putik ay bilang paggunita sa pinaniniwalaang paghihimala ni Apo San Juan nang mailigtas ang mga Pilipino sa kamay ng mga Hapon noong panahon ng digmaan.

Kwento ni animnaput tatlong anyos na si Corpuz, tinipon noon ng mga hapon ang mga kalalakihang Pilipino sa harap ng simbahan sa katirikan ng araw upang paslangin, subalit biglang bumuhos ang ulan.

Sa misa ay makikita ang mga deboto na taimtim na nananalangin upang magpasalamat at patuloy na hingin ang paggabay at pag-iingat ng Panginoon sa kanila, at pagkatapos ay magtutulos ng kandila.

Isa si Geraldine Lardizabal sa nakaranas ng himala ni Apo San Juan, aniya kakaiba ang milagrong naidulot sa kanilang buhay ni Apo San Juan dahil kwento umano sa kanya ng kanyang ina na hindi naging madali ang naging pagbubuntis nito sa kanya.

Dumating pa aniya sa punto na kapwa nanganib ang kanilang buhay ng kanyang ina at kinailangang pumili ng kanyang ama kung sino sa kanilang dalawa ang dapat na mabuhay.

Ngunit limang araw bago iluwal si Geraldine ay nanalangin at humingi umano ng tulong ang ina nit okay Apo San Juan at himalang naligtas kapwa ang mag-ina sa panganib. Joice Vigilia/ Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *