Task Force COVID 2019, binuo ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija

Bumuo ng Multi-Sectoral and Inter-Agency Task Force ang pamahalaang panlalawigan upang mabantayan at maproteksiyunan ang Nueva Ecija sa banta ng Novel Coronavirus (2019-NcoV) o tinatawag na ngayong COVID-19.

Sa bisa ng Executive Order No. 001 series of 2020 ni Gov. Aurelio Umali ay layon nitong maihanda ang mga lokal na pamahalaan upang epektibong makatugon sa pagmomonitor, pagpigil at pamamahala ng COVID-19.

Kabilang sa bumubuo ng task force ang Provincial Governor, Department of Health (DOH)-NE, Department of Interior and Local Government (DILG)-NE, Department of Education (DEPED)-NE, Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO), 7th Infantry Division Philippine Army, Provincial Health Office (PHO), League of Municipalities of the Philippines (LMP)-NE, Liga ng mga Barangay sa Pilipinas-NE, Ako ang Saklay (NGO), at iba pa.

Kasama sa kautusan, ang pagsasagawa ng education campaign sa publiko, trainings sa mga frontliners at pag re-activate ng Barangay Health Emergency upang agarang matukoy ang mga suspected Person Under Investigation (PUI) at Person Under Management (PUM) katuwang ang iba’t-ibang sektor ng lipunan mula sa assestment, pagdala sa quarantine area hanggang sa recovery period.

Ayon kay Gov. Umali, mahalaga na maihanda ang lalawigan sa mga panahon na mayroong kumakalat na ganitong klaseng sakit upang bigyan ng proteksiyon ang mamamayan at maayos na makatugon ang pamahalaan sa mga posibleng problema na dulot ng bagong virus na ito.

Kaugnay nito, ay plano ng kapitolyo na magtayo ng quarantine zone sa lalawigan.

As of february 17, pito na ang PUI na naitala sa PJG Hospital. Anim dito ay Pilipino at isang Amerikano. Ang lahat naman ay negatibo ang resulta sa kanilang swab test. Anim na ang nakalabas ng ospital habang ang isa ay nanatili pa rin dahil may iba pa itong karamdaman.

Pagbibigay diin ng Gobernador, mabilis at maayos na komunikasyon ng bawat isa ang solusyon upang maging matagumpay ang task force na mapanatiling COVID-19 free ang lalawigan. –Ulat ni Danira Gabriel

Watch – Task Force COVID 2019, binuo ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *