Task Force Hernandez, binuo ng NEPPO para sa inambush na staff ni Governor Umali

Ipinag-utos ni Nueva Ecija Police Provincial Office Director Eliseo Tanding ang masusing imbestigasyon kaugnay ng pagkakapaslang ng isa sa mga staff ni Governor Czarina “Cherry” Domingo-Umali.

Sa press statement, sinabi ni Police Senior Superintendent Tanding na sa pamamagitan ng Special Investigation Task Group Hernandez ay  gagawin  ng kapulisan ang lahat upang mapanagot ang mga salarin sa pamamaril kay Mary Anne Hernandez y Guevarra, Chief Administration Officer ng pamahalaang panlalawigan at residente ng barangay Pag-asa, Talavera.

Pinagbabaril si Hernandez na mas kilala sa palayaw na Meann, trenta’y otso anyos nang hindi pa nakikilalang mga suspek na riding in tandem habang sakay ng kulay gray, Isuzu MUX na minamaneho ng kaniyang asawang si Carlito Hernandez y Domingo, kwarentay singko, kasama ng kanyang dalawang anak, dalawang pamangkin at isang kasambahay.

Ang mga tauhan ng Nueva Ecija Provincial Crime LaboratoryOffice habang ipino-proseso ang crime scene kung saan pinagbabaril si Mary Anne Hernandez y Guevarra.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Talavera Police Station, bandang alas sais trenta ng gabi noong January 14, 2018, kagagaling lang ng Baguio City ng mag-anak nang dumaan sa Shell Gas Station sa Marcos, Talavera.

Habang nagpapakarga ng gasolina, lumapit sa nakahintong sasakyan ang isang lalaking nakasuot ng shorts, tumapat at pinaputukan ang passenger’s seat kung saan nakapwesto si Mary Anne pagkatapos ay mabilis na umangkas sa naghihintay na getaway vehicle na isang black Kawasaki Bajaj motorcycle na walang plaka.

Nagtamo ng mga sugat sa ulo, mukha at leeg ang biktima na naging dahilan ng kanyang kagyat na kamatayan, dinala ang bangkay ni Hernandez sa Senior Citizen Funeral Parlor sa Poblacion Sur, Talavera at isinailalim sa autopsy examination, samantala ang asawa nito na tinamaan sa balikat ay isinugod sa Premiere Medical Center, Cabanatuan City.

Narekober ng Scene of the Crime Operatives ang pitong basyo at dalawang bala ng kalibre kwarenta’y singkong baril. – ulat ni Clariza de Guzman.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *