Task Force Nilo, binuo ng NEPPO para sa pinaslang na pari ng Bayan ng Zaragoza

Ang mga labi ni Father Richmond Nilo ay kasalukuyang nakaburol sa St. Vincent Ferrer Parish sa Bayan ng Zaragoza.

 Tiniyak ni PRO 3 Regional Director  Police Chief Superintendent Amador V.  Corpus na sa pamamagitan ng Special Investigation Task Group ‘Nilo’ ay  gagawin  ng kapulisan ang lahat upang mapanagot ang salarin sa pamamaril sa pari sa Bayan ng Zaragoza.

Pinagbabaril si Fr. Richmond Villaflor Nilo ng Diocese ng Cabanatuan, nang hindi pa nakikilalang dalawang lalaking suspek sa loob mismo ng simbahan ng Nuestra Senora Delas Nieve Chapel sa  Brgy. Mayamot, Zaragoza, Nueva Ecija.

Ayon kay Isabelita F. Paraton, Kapitana ng Brgy. Mayamot, dumating  ang pari sa simbahan bandang alas sais ng gabi, nang magsisimula na itong magmisa ay nakarinig siya ng apat  na putok ng baril kaya dumapa siya at iba pang mga nagsisimba.

Nang mahimasmasan ay nagpulasan na aniya ang higit limampung katao sa loob ng simbahan.

Sa panayam kay Regional Director Corpus na base sa CCTV Footage na nakuha sa Brgy. Hall ng Maamot bigla na lamang lumapit ang dalawang suspek na nakasuot ng Short pants at Tshirt sa gilid ng simbahan at inilusot ang kamay nito sa bintana pagkatapos ay pinagbabaril na ng sunud-sunod ang pari.

Narekober ng Scene of the Crime Operatives ang pitong basyo at dalawang bala ng kalibre kwarenta’y singkong baril.

Sa panayam kay Father Jetts Jetajobe, Vicar General ng Diocese ng Cabanatuan, kinokondena ng simbahang katoliko ang lahat ng uri ng pagpatay, karahasan at kawalang hustisya.

Pangatlo na si Fr. Nilo sa mga pinatay na pari  sas ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.  sinundan nya ang 37 years old na si Fr. Mark Ventura noong April 29, 2018 na pinatay sa Gattaran town sa Cagayan. Una ang pag-ambush sa 72 year old na si Fr. Marcelito “Tito” Paez noong December 5, 2017 sa Bayan ng Jaen.

Si Rev. Fr. Richmond Villaflor Nilo ay namatay sa edad na kwarenta.

Si Rev. Fr. Richmond Villaflor Nilo ay tubong San Antonio. Anak ng namayapang guro. Nagtapos ng High School sa Saint Paul noong 1991, at nag-aral ng Pilosopiya at Teolohiya sa San Carlos Seminary sa Makati. Dating CFP Director at Presidente ng College of the Immaculate Conception. Financial Administrator ng Diocese of Cabanatuan. Ipinanganak noong July 27, 1974 at naordenahan bilang pari noong September 22, 2001 at ngayon ay parish priest ng St. Vincent Ferrer Parish at in charge sa Brgy. Chapel ng Bayan ng Zargoza.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *