Tatay ng OFW na natulungan ng Malasakit Help Desk, pagkakalooban ng pangkabuhayan ni Gov. Umali

Matapos na marinig ang kwento ng buhay nina Tatay Eugenio Aguilar, ama ng OFW na inatake sa puso sa Dammam, Saudi Arabia, ay inihayag ni Governor Aurelio Umali sa kanyang programang Usapang Malasakit sa Lipunan noong Lunes, October 28, 2019, na kabilang na ito sa mabibigyan ng livelihood o pangkabuhayan para sa kanilang pamilya.

Si Tatay Eugenio,pitumpu’t tatlong taong gulang at nakatira sa Brgy. Poblacion Norte, Rizal ay ama ni Annaliza Aguilar na natulungang mapauwi ng Malasakit OFW Help Desk matapos na makita sa isang facebook post ang naging sitwasyon nito sa Saudi.

Walong taon ng nagtatrabaho si Annaliza sa ibang bansa bilang domestic helper at mag-isa nitong itinataguyod ang kanyang isang anak at sumusuporta rin siya sa kanyang mga magulang.

Kwento ni Tatay Eugenio, sa kanyang dalawang anak ay tanging si Annaliza na lamang ang nabubuhay at tumutulong sa kanila upang makaraos sa pang-araw-araw na pamumuhay.

Dahil paralisado na si Annaliza na inaasahan ng kanyang pamilya ay pinagkalooban ng gobernador ng pangkabuhayan ang pamilya nito upang may maipantustos sa kanilang pangangailangan sa araw-araw.

Nang marinig ang tinuran ni Gov. Umali ay bakas sa mukha ni Tatay Eugenio ang kasiyahan dahil sa pag-asang maiaahon sa kinalugmukang sitwasyon ang kanyang pamilya sa pamamagitan ng pangkabuhayan mula sa provincial governent.

Pangdalawampu’t tatlo na si Tatay Eugenio sa listahan ng mga benepisyaryo ng livelihood program ng pamahalaang panlalawigan na naglalayong matulungang maiangat ang pamumuhay ng mga kapos palad na Novo Ecijano.

Bukod sa pangkabuhayan ay pagkakalooban din ng gobernador ng scholarship ang anak ni Annaliza na magkokolehiyo na sa susunod na school year.

Samantala, matapos ang kanyang programa ay tinungo ni Gov. Umali ang compound ng Nueva Ecija Provincial Jail kung nasaan ang mga kulungan ng mga manok para sa Micro Layering Livelihood Assistance Program ng kapitolyo.

Ang micro layering program na sisimulan na sa Nobyembre ay ang pamamahagi ng mga paitluging manok na maaaring ibenta ng mga recipient sa halagang P5.50 kada itlog. – Ulat ni Jessa Dizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *