Tatlong barangay sa bayan ng Cuyapo, binigyan ng relief goods ng Pamahalaang Panlalawigan

Sa pagsama ng TV48 News Team Sa Pagbisita Ng Provincial Social Welfare And Development office (PSWDO) noong linggo sa bayan ng Cuyapo ay naabutan namin na lubog pa rin sa baha ang mga palayan at ilang kabahayan dulot ng malakas na buhos ng ulan ng nagdaang bagyo at habagat.

Isa na nga rito ang bahay ni Ate Rhea, na nadatnan namin na naghihintay na bumaba ang tubig baha sa kanilang tirahan.

Ayon sa kaniya, umabot ng lagpas tuhod ang taas ng tubig sa kanilang bahay noong kasagsagan ng lakas ng ulan.

Isa lamang si Ate Rhea sa daan-daang residenteng naapektuhan ng bagyo at habagat. Kaya naman, sa inisyatiba ni Gov. Cherry Umali ay agarang nagpadala ng relief goods ang Pamahalaang Panlalawigan bilang tulong sa mga nabiktima.

Ayon kay Provincial Social Welfare and Development Officer Elvie Ronquillo, nasa Isang Libong relief packs ang ipinamahagi ng Kapitolyo sa tatlong barangay ng naturang bayan na kinabibilangan ng Brgy Piglisan, Brgy Loob at Brgy Tutuloy.

Ito ay naging posible sa pakikipag-ugnayan sa Local Government Unit (LGU) ng Cuyapo na pinangunahan ni Mayor Florida Esteban, katuwang din sina 1st District Board Member Rap-Rap Villanueva at ang anak ni Board Member Baby Palilio na si Loven Palilio.

Ayon kay Mayor Florida Esteban, halos lahat ng palayan at kalahating porsyento ng kabahayan ang naapektuhan sa kanilang bayan.

Kaya’t lubos na pasasalamat ang tugon ng Alkalde sa agarang pag-baba ng tulong ng Kapitolyo sa kaniyang mga mamamayan.

Pasasalamat din ang ipinaabot ng mga residente sa Pamahalaang Panlalawigan sa biyaya na kanilang natanggap. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *