Tatlumpong thrilling rides, tatlong park attractions, handog ng Carron Dreampark ngayong kapaskuhan

Sa muling pagbubukas ng Carron Dreampark sa Barangay Sto. Cristo, San Isidro noong November 23, 2019 ay tatlumpong mga thrilling rides, instagramable park attractions at spots ang kanilang inihandog na maaaring pasyalan at maenjoy ng bawat pamilya, magbabarkada at mga turista para sa nalalapit na kapaskuhan.

Bawat taon ay palaging may bagong sorpresang handog ang Carron Dreampark na talaga namang inaabangan hindi lamang ng bawat Novo Ecijano kundi maging ng mga turistang dumarayo dito.

Ngayong taon, sampung mga thrilling rides tulad ng flying stars, hot air balloons, zero gravity, galactic journey, wave swinger at park attractions tulad ng Town of Terror, Dream Wedding booth at Kiddie Ave ang mga bagong kagigiliwan mapabata, millenials o matanda man.

Ayon kay Venntor Ronneal Santos, Vice President for Sales and Marketing ng Carron Dreampark, isa sa pinakabago at pinaka-nakakapanabik na sakyan ay ang flying stars para sa mga teenagers at adults.

Aniya, kakaibang thrill naman ang mararanasan sa kanilang horror house na paniguradong babalik-balikan ng mga bumibisita dito dahil sa iba’t ibang pasabog o tema nito kada taon.

Maliban sa sampung bagong rides na ito ay nananatili pa rin sa amusement park ang ferris wheel, train, bump car at iba pang itinuturing nilang family oriented rides.

Kabilang sina Michael Corviglia at Daniel Constantino sa mga Novo Ecijanong first time sumubok bumisita dito dahil sa nakaka-engganyo nitong mga kulay at disenyo na tila umano naghahatid ng kakaibang saya at experience sa bawat taong pumapasok dito.

Mula sa halagang 50 pesos na entrance fee ay maaari mo ng maexperience ang instagramable carron dahil sa mga makukulay nitong mga display tulad ng mga candy houses na mala-Hansel and Gretel at may mga disenyong teddy bears na mayroong iba’t ibang kulay.

Nasa 50-70 pesos naman ang admission fee para makasakay sa mga rides at kung gusto nyo namang makatipid at masakyan ang tatlumpong mga rides na ito ay maaari ding iavail ang kanilang ride all you can sa halagang 350 pesos.

May bago rin silang promo ngayon na unlimited access on park entrance and “unlimited ride all you can” sa halagang 1000 pesos bilang mga VIP Carron Dreampark guests sa loob ng apat naput apat na araw na bukas ito, hindi kasama dito ang tatlong park attractions.

Bukas ang Carron Dreampark mula 04:00 ng hapon hanggang 11:00 ng gabi mula lunes hanggang linggo at mananatiling bukas hanggang January 4, 2020.

Ibinubukas tuwing Nobyembre dahil sa nalalapit na kapaskuhan ang Carron Dreampark upang makapagbigay aliw at saya sa lahat ng mga Novo Ecijano at mga turista saan mang panig ng mundo.

Buong pagmamalaki namang inaanyayahan ni Santos ang lahat ng mga Novo Ecijano na saksihan ang mas pinaliwanag at mas pinakulay na instagramable carron.— Ulat ni Jovelyn Astrero

Watch – Tatlumpong thrilling rides, tatlong park attractions, handog ng Carron Dreampark ngayong kapaskuhan


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *