Top 4 Sibat Target, tiklo; magkasunod na aksidente, naitala sa Muñoz

Arestado sa isinagawang manhunt operation ng San Jose City Police Station at 2nd PMFC ang Top 4 Sibat Target ng Nueva Ecija Police Provincial Office.

Kinilala ang suspek na si James Joseph Almirol y Santiago, 18 years old, binata, estudyante at residente ng Zone 5, barangay Porais, San Jose.

Base sa report ng pulisya, bandang 10:05 ng umaga, kahapon June 10, 2019 nang dakpin ang suspek sa bisa ng Warrant of Arrest na may rekomendadong pyansang Php 120, 000.00 para sa kasong Attempted Murder na nakasampa sa RTC Branch 38 ng lungsod ng San Jose.

Hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay nasa kustodiya ng himpilan ng pulisya si Almirol.

Samantala, dalawang magkasunod na aksidente ang naitala sa barangay Bantug, Science City of Muñoz, kamakalawa ng gabi June 9, 2019.

Dakong 6:20 ng gabi nang magbanggaan ang isang motorsiklo at kolong-kolong sa Bukang Liwayway.

Nagtamo ng sugat sa ulo at gasgas sa mga braso at binti ang driver ng motor na kinilalang si Juanito Villanueva, 48 years old at naninirahan sa Casulucan, bayan ng Sto. Domingo.

Itinakbo ng Science City of Muñoz DRRMO ang biktima sa Rural Health Unit.

Binigyan ng paunang lunas ng Muñoz DRRMO si Raymond Cuevas na biktima ng aksidente ng motor.

10:55 naman nang gabi nang sumemplang ang isang single na motor sa Villa Pinili, Bantug.

Nakainom umano ng alak ang biktimang  si Raymond Cuevas, 47 years old ng Poblacion, Muñoz. Isinugod ng Muñoz DRRMO sa CLSU Infirmary Hospital si Cuevas na nasugatan sa ulo at mga kamay. – ulat ni Clariza de Guzman.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *