Top student ng ALS na dumanas ng depresyon, nais kumuha ng kursong Psychology sa kolehiyo

Mula ng iwanan ng kaniyang mga magulang ay nawalan na ng direksyon ang buhay ni Genesis Plaza, 20 anyos at tubong North Cotabato.

Ang dating consistent honor student noong elementarya ay huminto sa pag-aaral ng high school dahil natuto ng mga masamang bisyo at naisipan pang kitilin ang sariling buhay dahil sa depresyon na nararamdaman.

Sa murang edad noon ay pumasok sa iba’t ibang trabaho, naging tricycle driver, bell boy at water boy upang makaraos sa pang araw-araw.

Dumating ang panahon na ninais niyang lumayo sa lugar na nakagisnan upang magbagong buhay.

Sa nueva ecija niya napag-isipan na muling bumalik sa pag-aaral habang nagtatrabaho bilang helper sa isang tile shop sa bayan ng San Isidro.

Matapos ang sampung buwan na pagiging working student sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS) ay matagumpay na nakapagtapos si Genesis ng sekondarya at nakakuha pa ng pinakamataas na marka na 89.60 sa Accreditation and Equivalency Test.

Isa sa pinag-iisipang kuning kurso sa kolehiyo ni Genesis ay ang Psychology upang makatulong sa mga taong dumaranas ng depresyon na kaniyang napagtagumpayan na labanan.

Ang kwento ni Genesis ay isa lamang sa mga matagumpay na istorya ng 1,845 estudyante na nagtapos ng elementarya at sekondarya sa 13th Commencement Exercises ng ALS Nueva Ecija Division noong July 3, 2019, sa Convention Center, Palayan City.

Ayon kay ALS Nueva Ecija Division Education Program Supervisor Robertita Fernando, mula noong 2008 ay ito na ang pinakamaraming bilang na pumasa sa eksaminasyon.

Aniya, naging posible ito dahil sa mga Local Government Unit na sumusuporta sa programa.

Maswerte aniya ang mga mag e-enroll ng ALS hanggang taong 2019 dahil maaari na sila agad mag kolehiyo at hindi pa sila kinakailangan na dumaan sa K-12 program.

Sa mga interesado na mag enroll sa ALS, pumunta lamang sa pinakamalapit na Learning Center sa inyong lugar. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *