Tour package sa Nueva Ecija, binabalangkas na

Sinisimulan ng buuin ng Provincial Tourism Office at ATONE o Association of Tourism Officers of Nueva Ecija ang mga Tour Package na naglalayong lumikha ng maraming trabaho at oportunidad sa mga Novo Ecijano, at palaguin ang turismo sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Aminado si Darmo Escuadro, Presidente ng ATONE na ang Nueva Ecija ay isa sa mga napagiiwanan na lalawigan pagdating sa turismo.

Itatampok sa Tour Package ang mga makasaysayang lugar sa probinsiya, Agricultural at Eco Tourism Park, pagdiriwang ng mga kapistahan, mga pagkaing dito lamang matitikman at mga produktong sa lalawigan lamang makikita.

Katuwang ng ATONE ang NECVA o Nueva Ecija Convention and Visitors Association na isang non-governmental association na binubuo ng mga negosyante sa Nueva Ecija.

Naniniwala si Alfred Santos II, Presidente ng NECVA na kung magtutulungan ang gobyreno at mga pribadong kumpanya ay walang dudang mapapasigla ang turismo sa probinsiya.

Iikot ang ATONE at NECVA sa apat na distrito ng lalawigan upang tukuyin at isa-isahin ang mga “best of the best” ng bawat bayan at lungsod sa lalawigan.

Kabilang na ang sikat na pagdiriwang nang kapistahan ng mga guimbanians sa “Ragragsak Ti Guimba”.

Inaasahang ilulunsad ang Agri-Eco Tour Packages sa taong 2016.-Ulat ni Danira Gabriel

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *