Transparency sa lahat ng Sanggunian, hinimok ni Vice Gov. Anthony Umali

Hinimok ni Vice Governor Anthony Umali na magkaroon ng diwa ng transparency sa lahat ng Sanggunian sa Nueva Ecija.

Ito ay matapos umanong haluan ng isyu ang inaprubahan nilang kahilingan ng Pamahalaang Panlalawigan na magbukas ng isang time deposit account upang mailagak at magkaroon ng mas mataas na interes ang iba pang pondo na nasa bangko.

Vice Governor Anthony Umali, habang ini-interview ng mga lokal na mamahayag ng TV48 at DWNE.

Pagbibigay linaw ni Umali, malaki ang pagkakaiba ng ipinasang resolusyon para sa time deposit ngayon ng Sangguniang Panlalawigan, kumpara sa pagkwestiyon niya sa paglilipat noon ng savings deposit account ng Cabanatuan City Government mula sa isang bangko patungo sa iba pang bangko.

Aniya, hindi naging malinaw sa kanila ang tunay na rason ng City Government kung bakit kailangang hugutin sa isang bangko ang savings account at ilipat sa iba pang bangko na pinaniniwalaan na mas mababa umano ang interes.

Kaya’t ninais nila na humingi ng sertipikasyon mula sa dalawang bangko upang malaman ang halaga ng deposit interes ng bawat isa.

Ngunit, hanggang sa matapos ang kanilang termino sa lungsod ay walang nai-submit na mga dokumento.

Hamon ng Bise Gobernador, ibukas sa publiko ang mga regular na pagpupulong sa lahat ng Sanggunian sa buong lalawigan partikular na sa Lungsod ng Cabanatuan.

Hinihikayat din ni Umali ang mga miyembro ng media na icover ang mga pagpupulong sa buong probinsiya upang maging bukas sa publiko ang bawat talakayan sa mga Sanggunian.

Makakaasa aniya ang taong bayan na ang Sangguniang Panlalawigan ay magseserbisyo ng tapat at may malasakit. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *