TRICYCLE DRIVER, BINOGA NG PASAHERO, TODAS; EMPLEYADO NG CENRO, PINUNTIRYA NG TANDEM SA ULO, DEDO

Patay ang isang tricycle driver matapos barilin ng kanyang pasahero sa barangay Tabon, bayan ng San Isidro.

Kinilala ang biktimang si Arnel Bulanan y Velasquez, trenta’y syete anyos, residente ng barangay Malapit ng naturang bayan

Base sa ulat ng pulisya, bandang alas dyes bente ng gabi nitong nakaraang Lunes, habang nakapila ang biktima sa SIMTODA sa gilid ng NEUST San Isidro Campus ng sumakay sa kanyang minamanehong tricycle ang dalawang kalalakihan na pinaniniwalaang nagpanggap lang na mga pasahero at nagpahatid sa barangay Tabon.

Ayon sa salaysay ng kapatid ng biktima na si Alexander Bulanan, alas onse kwatro ng gabi nag-text sa kanya ang kanyang kapatid na humihingi ng saklolo dahil binaril umano ito ng kanyang pasahero.

Agad na humingi ng tulong sa barangay hall si Alexander kung saan nakahiram ng ambulansiya na ginamit para maitakbo sa ospital ang kanyang kapatid.

Ngunit habang ginagamot ang biktima ay binawian na ito ng buhay.

Dead on the spot ang isang Forest Ranger ng Cabanatuan City Environment and Natural Resources Office matapos pagbabarilin ng mga hindi nakilalang suspek sa barangay Zulueta, lungsod ng Cabanatuan.

Nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan, karamihan sa kanyang ulo ang biktimang si Alberto Miranda y Torres, kwarenta’y sais anyos, ng barangay Bantug Norte ng nasabing lungsod.

Batay sa report ng pulisya, dakong alas otso dos ng umaga noong Lunes, minamaneho ng biktima ang kanyang Toyota Pick-up truck sa kahabaan ng Circumferential road nang barilin ng sunud-sunod ng mga suspek sakay ng isang motorsiklo.- Ulat ni Clariza de Guzman

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *