Tunggalian sa lupa sa Baloc, nauwi sa pamamaril; Lola, nasugatan

Nakunan ng video ng Balitang Unang Sigaw ang pagpapaputok ng baril ng dalawang armadong kalalakihan sa limampong magsasakang miyembro ng Samahan ng mga Magsasaka ng Baloc habang binabaklas ang bakod sa pinagtutunggaliang 17 ektaryang lupaing sakahan sa Sitio Saranay, Baloc, Sto. Domingo, Nueva Ecija, kahapon April 25 sa pagitan ng 02:00 hanggang 02:30 ng hapon.

Nakilala ang mga suspek na sina Jovy De Jesus, 23 anyos ng Brgy. Bitas at Anthony Jaucian ng Brgy. Sangitan, kapwa residente ng Lungsod ng Cabanatuan na diumano’y tauhan ng pamilya Sangalang.

Isa sa mga magsasaka ang tinamaan ng bala sa pigi na kinilalang si Virginia Guiang, na tinulungan ng Balitang Unang Sigaw Team na maitakbo sa PJG Hospital-Talavera.

Nag-ugat ang pamamaril dahil sa tunggalian sa lupa ng angkan ng Sangalang at mga pamilya ng Arania, Soriano, Orosco, Barroga, Viloria, Andres, Gahis, Corpuz at Galapon na nagsimula bago pa man i-deklara ni Dating Pangulong Ferdinand Marcos ang Presidential Decree No. 27 o ang pamamahagi ng lupang binubungkal sa mga magsasaka.

Taong 1996 nang unang magkasuhan sa PARAD o Provincial Agrarian Reform Adjudication Board hanggang sa nakarating sa DARAB o Department of Agrarian Reform Adjudication Board kung saan parehong korte ay pumanig sa mga magsasaka dahil sa mga iprinisentang Certificates of Land Transfer at sertipikasyon mula sa Barangay Agrarian Reform Committee Chairman patunay na sila ang aktuwal na nagbubungkal at legal na benepisyaryo ng lupaing umaabot sa mahigit 60 hectares.

Dinala ito sa Court of Appeals ng mga tagapagmana ng Sangalang kung saan pinanigan ang mga ito, ngunit pagdating sa Supreme Court ay pinawalang bisa ito noong December 13, 2017 dahil nagforum shopping ang mga ito at nag-order na ipatupad ang desisyon ng DARAB na may petsang November 5, 2017.

Ayon kay Leonida Aquino, taong 2004 naman ng posisyunan nila ang karugtong na 17 ektarya ng 61 ektaryang lupaing sakahin sa Sitio Saranay, Baloc sa rekomendasyon ng dating Municipal Agrarian Reform Office Talavera.

Sa loob ng mahabang panahon ay dumanas umano ng panghaharass, pananakot, at pananakit ang mga nakaposisyong mga magsasaka sa mga lupaing sakahan na ito mula sa mga tauhan ng pamilya Sangalang.

Hanggang nitong nakaraang buwan nang binakuran ng semento at wire ng Sangalang ang palibot ng 17 ektaryang sakahan, naglagay ng mga bantay at nilagyan ng “No Trespassing” sign, kaya hindi na magawang anihin ng mga magsasaka ang mga pananim.

Bago maganap ang pamamaril ay nagkaroon muna ng dayalogo sa pagitan ng mga magsasaka ng Baloc kasama ang iba pang mga progresibong samahan ng magsasaka ng lalawigan at ni Mayor Imee De Guzman at Police Superintendent Abraham Atencio, Chief of Police ng Sto. Domingo Police Station.

Idinulog ng mga magsasaka ang kanilang takot dahil sa panghaharass ng mga umano’y goons ng Sangalang, kabilang ang araw-araw na pagpapaputok ng baril at pananakit sa ilang miyembro ng kanilang samahan.

Hinikayat naman ni Police Superintendent Atencio na magpa-file ng kaso laban sa pamilya Sangalang upang makapag-isyu ng Search Warrant.

Sa panig naman ni Mayor Imee, wala aniya itong kapangyarihan bilang Punong Bayan na desisyunan ang usapin sa lupa at tanging ang tamang ahensya lamang na may kaugnayan dito ang dapat na magbaba ng desisyon, na kanya namang ipatutupad sa tulong ng kapulisan.—Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *