Turismo sa Nueva Ecija, iaangat ng pamahalaang panlalawigan

Sa darating ding buwan ng Oktubre ay lalahok umano ang Provincial Government sa Central Luzon Expo at ang Pantabangan ang siyang magiging pangunahing Tourism Investment Destination na ipopromote dahil ayon sa kanilang data tumanggap ng 1.4 million tourist noong nakaraang taon ang Baler at 99% dito ay dumaan ng Pantabangan.

Ayon kay Atty. Jose Maria Ceasar San Pedro, Provincial Tourism Officer, nakasaad sa Provincial Tourism Act of 2018 ang departmentalization o pagiging ganap na departamento ng kanilang opisina ngunit hindi lamang naimplementa dahil hindi nadagdagan ang kanilang pondo at hindi nacreate ang mga kinakailangang posisyon upang magfunction ang kanilang tanggapan.

Sa ngayon aniya ay dibisyon lamang ang kanilang opisina sa ilalim ng Office of the Governor kaya kung magiging ganap na aniya silang departamento ay tiwala itong mas magagampanan nila ang kanilang responsibilidad bilang pangunahing marketing and promotional arm ng Pamahalaang Panlalawigan.

Aniya, tatlo na sa buong Central Luzon ang ganap nang departamento ang mga tourism offices na kinabibilangan ng Bulacan, Zambales at Aurora.

Ibinahagi din ni San Pedro ang kanilang pakikipag-ugnayan sa tatlong probinsya na nakatulong upang maplano kung paanong gagana ang isang opisina kung ito ay maging ganap nang departamento.

Maituturing din aniyang economic driver ang Tourism Office dahil kada taon ay pataas ng pataas ang visitor arrivals o pagdagsa ng mga turista, kaya kung maganda aniya ang magiging programa ng kanilang tanggapan ay mas marami ang mahihikayat na mga investors na magnegosyo dito at mas marami sa mga Novo Ecijano ang magkakaroon ng trabaho.

Masaya din nitong ibinalita sa kapulungan ng Sangguniang Panlalawigan ang isasagawang kauna-unahang Nueva Ecija Tourism Branding na naglalayong mas maipakilala ang probinsya sa mas malawak na audience at maipagmalaki ang mukha ng turismo ng lalawigan.

Sa ika-labing dalawang regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ay inaprubahan ang kahilingan ng Provincial Tourism Office na magpasa ng ordinansa na nagtatakda na maging ganap na itong Departamento upang mas maiangat ang turismo sa lalawigan.— Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *