Ugnayan ng mga NGOs at mga magsasaka para sa sustenableng pagsasaka, mas palalakasin – MASIPAG

Kasalukuyang nagsasagawa ng Scientists and NGO Forum ang MASIPAG o Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura upang talakayin ang mga hakbang sa pagpapalakas ng kanilang ugnayan sa mga magsasaka sa Luzon para sa sustenableng pagsasaka.

Ang forum ay dinaluhan ng iba’t ibang Non-Government Organizations mula sa Bicol, Pampanga, Central Luzon, Northern Luzon, Southern Tagalog na sumusuporta at umaagapay sa mga magsasaka.

Ayon kay Rowena Buena, Regional Coordinator ng MASIPAG-Luzon, layunin ng dalawang araw na forum na sinimulan kahapon, na matukoy kung paano nilang pagtutulong-tulungan na maitaas ang kapasidad, kakayanan at pamamaraan sa pagsasaka ng mga magsasaka bunsod ng lumalalang problema sa climate change at mababang presyo ng palay.

Isa aniya sa nakikita nitong paraan upang matulungan ang mga magsasaka ay sa pamamagitan ng networking na makatutulong sa mga ito sa pagmamarket o pagbebenta ng kanilang mga aning palay.

Trial Farm ng iba’t ibang variety ng palay sa Lalawigan ng Nueva Ecija.

Maliban sa networking ay malaki din aniya ang maitutulong ng mga teknolohiya para sa rice production o rice breeding ng mga magsasaka, sa pakikipag-ugnayan na rin sa iba pang NGO na ang layon ay nakatuon sa pagtugon sa mga kalamidad.

Sa lawak aniya ng naabot ng kanilang organisasyon ay malinaw naman ang benepisyo at bentahe ng pag-oorganiko hindi lamang sa pangkalikasan kundi maging sa pangkalusugan at pangkabuhayan ng mga magsasaka.

Sa kasalukuyan ay nakapag-set up na sa mga Lungsod ng Gapan at Palayan, mga Bayan ng Gabaldon, Sto. Domingo at sa iba pang bahagi ng lalawigan ang MASIPAG ng trial farm kung saan sumusubok ang mga magsasaka sa pagtatanim ng limampong iba’t ibang variety ng palay sa kanilang bukid upang matukoy kung anong klase ng palay ang nababagay sa kanilang lugar.

Sa panayam naman kay Alfie Pulumbarit, Advocacy Officer ng MASIPAG, sinabi nito na mahalaga ang pagtutulungan ng mga Siyentipiko, NGO at ng mga magsasaka para sa mas ligtas na pagsasaka.

Aniya, dahan-dahan man ay patuloy namang nadaragdagan ang mga magsasakang sumusubok sa likas kaya at organikong pagsasaka.

Dagdag pa ni Pulumbarit, nakikipag-ugnayan ang MASIPAG sa iba’t ibang NGO o mga organic farmers upang lalo pang palakasin, pagtibayin at isulong ang tipo ng sakahang malaki ang maitutulong sa mga magsasaka.— Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *