UNITY: Duterte at Robredo, bida sa Paddy Art ng PhilRice

   Pagkakaisa. Ito ang mensahe ng pinakabagong itinampok na imahe ng mga mukha nina President Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo sa Paddy Art ng Future Rice Farm ng PhilRice na matatagpuan sa Science City of Muñoz.

   Makikita sa 1,000 square meters na palayan ang imahe ng dalawang pinakamataas na pinuno sa bansa. Ang Paddy Art ay tinatawag na “Rice Up Pilipinas”.

   Ayon kay Nehemiah Caballong Information and Communications Technology Specialist ng Future Rice Program, napili ang tema dahil ang dalawang opisyal ay mayroong malaking papel sa nagaganap na pagbabago sa ating bansa ngayon, na akma sa kanilang isinusulong na pagbabago sa paraan ng makabagong pagtatanim.

   Ang “Rice Up Pilipinas” Paddy Art ay ginamitan ng korean variety na purple rice at regular variety na green rice. Kung saan, tatlumpung magsasaka ang nagtulong-tulong na nagtanim ng malikhaing disenyo na ito. Sa pamamagitan ng tinatawag na anamorphosis principle ay maaari mo ng makita ng malinaw ang imahe sa mataas na anggulo ng artwork.

   Ang Paddy Art ay isa lamang sa proyekto ng Future Rice Program upang humikayat ng mga turista at palakasin ang agritourism hindi lamang sa Nueva Ecija, kundi maging sa buong Pilipinas.

   Ang “Rice Up Pilipinas” ay pangatlo na sa mga Paddy Art na binuo ng Future Rice Team. Una ng itinampok nito ang imahe ni Dr. Jose Rizal at ang sikat na AlDub love team na sina Maine Mendoza at Alden Richards.

   Ito ay sinimulang buksan sa publiko noong September 16 na maaring libutin mula alas 06:00 ng umaga hanggang alas 06:00 ng hapon. -Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *