Urine Drug Testing sa hanay ng kapulisan ng Nueva Ecija, isa positibo

   Isang pulis ang lumitaw na positibo mula sa 2,200 miyembro ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) na sumalang sa Mandatory Random Drug Testing sa buong lalawigan.

   Ang nagiisang nagpositibo ay nagngangalang PO3 Mathew Garabiles ng Peñaranda PNP na mula sa District 4.

  Sa aking panayam sa telepono kay PSI Damaso Feliciano ng Peñaranda PNP, nilinaw nito na nagpositibo lamang si Garabiles sa resulta ng kanyang Urine Drug Testing dahil sa dami umano ng morphine drug na isinaksak kay Garabiles, tatlong araw pagkatapos nitong operahan.

  Matapos dalhin ang urine specimen ni Garabiles sa Camp Crame para sa confirmatory test, ito ay nag-negatibo.

   Pinangalawahan naman ito ni Provincial Director Police Senior Superintendent Manuel Cornel, aniya isang daang porsyentong drug free ang hanay ng kapulisan sa lalawigan.

   Ang surprise drug testing ay isinagawa ng Nueva Ecija Provincial Crime Laboratory Office (NECLO) sa dalawampu’t pitong bayan at limang lungsod sa lalawigan. Tinatawag din itong internal cleansing o paglilinis sa lahat ng mga kapulisan sa buong bansa, upang masiguro na ang mismong mga otoridad ay hindi gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.

   Naunang nagbabala si PNP Chief Director General Ronald ‘bato’ Dela Rosa na ang sinumang pulis na magpopositibo at mapapatunayang sangkot sa ilegal na droga ay kakasuhan ng administratibo at sisibakin sa kanilang trabaho. -Ulat ni Danira Gabriel

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *