Usapin sa lupa, itinuturong motibo sa pag-masaker sa 4 na katao; 21-anyos na dalagang sumurender, natagpuang patay

   Tumutulong na umano ang Department of Agrarian Reform sa imbestigasyon tungkol sa pag-masaker sa apat na katao at pagkasugat ng isa pa sa Sitio Minalkot, barangay San Isidro, bayan ng Laur.

Nagtago sa silong ng kubo ang 4 na magsasakang ngunit sinalakay at nagawa pa rin silang patayin ng mga armdaong suspek sa Sitio Minalkot, brgy. San Isidro, Laur
Nagtago sa silong ng kubo ang 4 na magsasakang ngunit sinalakay at nagawa pa rin silang patayin ng mga armdaong suspek sa Sitio Minalkot, brgy. San Isidro, Laur

   Kinilala ang mga napaslang na biktima na sina Eligio Barbado y Salvatiera, 53-anyos, may asawa, driver ng Danilo Bus; Gaudencio Bagalay y Morales, 58, may asawa, magsasaka; Emerencia dela Rosa, 58-anyos, may asawa, magsasaka, lahat ay mga residente ng Sitio Bateria, barangay Bagting, Gabaldon; at Violeta Mercado y de Leon, 57, may asawa, OFW, residente ng barangay Mapalad Sta. Rosa.

   Habang nagtamo naman ng tama ng bala ng baril  sa kanyang kaliwang binti si Angelita Milan y Yasay, singkwenta anyos, may asawa, magsasaka, at residente ng barangay Calabasa, Sta. Rosa.

   Base sa report ng Laur Police Station, bandang alas dos trenta ng hapon habang nagtatayo ng kubo ang mga biktima sa bukid nang bigla na lamang lumitaw ang isang grupo ng mga hindi nakilalang suspek na armado ng 5.56 rifles at pinaputukan ng maraming beses ang mga biktima.

   Nagtago sa ilalim ng papag ang apat na biktima ngunit nilapitan umano sila ng mga suspek at pinagbabaril ng malapitan. Samantalang si Milan ay nagawang makatakbo at makapagtago.

   Itinuturong usapin sa lupa ang ugat ng naganap na pamamaril dahil ang bukid na pinosisyunan ng mga biktima ay bahagi ng 3, 100 hectares na lupain sa Fort Magsaysay Military Reservation na dapat sana ay naipamahagi sa mga biktima ng pagputok ng bulkang Pinatubo sa Pampanga sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program noong 1991.

   Guimba- natagpuang isa ng malamig na bangkay at bra lang ang suot ng 21-anyos na dalagang isa umano sa mga sumukong drug user sa bayang ito sa ilalim ng Oplan Tokhang.

Hinihinalang pinagsamantalahan muna bago pinaslang si Michelle Rivera na natagpuang patay at hubo’t hubad sa brgy. Bantug, Guimba.
Hinihinalang pinagsamantalahan muna bago pinaslang si Michelle Rivera na natagpuang patay at hubo’t hubad sa brgy. Bantug, Guimba.

   Positibong kinilala ng kaniyang pamilya ang biktimang si Michelle Rivera y Manio, at residente ng barangay Bantug ng naturang bayan.

   Ayon kay Kagawad Engracia Galapon, dakong alas dyes ng umaga nang magtungo siya sa bukid at doon nakita ang bangkay ng biktima na may sugat sa ulo at nakahandusay sa palayan malapit sa irrigation canal sa Purok dos ng nabanggit na barangay.

   Alas otso ng umaga huling nakitang buhay ang biktima sa kalsada sa gilid ng irigasyon.

   Paalala po sa ating mga kaibigan lagi po tayong maging alerto at mag-ingat dahil ang krimen ay nangyayari kahit saan, kahit kailan. – ulat ni Clariza de Guzman.

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *