Vice Mayor Anthony Umali: Usapin sa Land Conversion, idaan sa tamang proseso

   Iginiit ni Vice Mayor Anthony Umali na idaan sa tamang proseso ang reclassification ng mga lupa mula sa pagiging agricultural upang gawin itong residential class, sa ika-labing walong regular session ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan.

   Nakasaad sa magkahiwalay na liham ni Gilbert Sebastian Senior Manager ng Aboitiz Land Incorporated at Engr. Joemi Tan Chief Technical Officer ng Prima Casa Land and Houses Incorporated na dating Lumina Homes Inc. ay hinihiling nila na i-reclassify ang 197, 425 square meters at 82, 530 square meters na nakatirik sa Brgy. Valle Cruz, Cabanatuan City.

   Hindi sinang-ayunan ni Vice Mayor Umali ang nasabing kahilingan dahil kulang pa umano sa requirements ang mga nasabing kumpanya. Katulad na lamang ng clearance mula sa Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Agriculture (DA) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).

   Base sa R.A. 7160 (local government code) section 20 na ang Sangguniang Bayan o Panlungsod ay maaring magpasa ng isang ordinansa kung ang lupa ay hindi na nagagamit sa pagsasaka.

   Kinuwestiyon din ni Vice Mayor Umali, kung may katibayan na hawak ang Sanggunian Panlungsod na mula sa City Planning and Development Office na hindi pa lumalagpas sa 10% ng agricultural area ng lungsod ang na re-reclassify.

   Dagdag pa ni Vice Mayor Umali, pinapangalagaan lang aniya na hindi maubos ang sakahan sa naturang lungsod.

   Isa din sa tumutol ay si Kon. Gave Caling sa kaparehong dahilan na hindi kumpleto ang mga papeles na isinumete ng mga kumpanya. Habang nanindigan sa pagpabor sina Kon. PB Garcia, Kon. Epifanio Posada, Kon. Froilan Valino, Kon. Mario Seeping, Kon. EJ Joson, Kon. Ruben Ilagan, Kon. Rosendo Del Rosario Jr., Kon. Emmanuel Liwag at ABC Pres. Sergio Tadeo.  -Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *