VM Umali at iba pa, nagpasalamat sa mga kasamahan sa Sanggunian Panlungsod ng Cabanatuan

Napuno ng mensahe ng pasasalamat sa isa’t isa ang naging huling regular session ng mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan batch 2016-2019.

Hindi na pinalampas ng mga papaalis na miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan ang pagkakataon na makapagpasalamat sa mga kasamahan sa loob ng tatlong taong pagta-trabaho  bilang mga mambabatas ng pamahalaan.

Sa pahayag ni Vice Mayor at Vice Governor Elect Anthony Umali, mailalarawan niya na makulay ang kaniyang naging karanasan sa loob ng isang terminong panunungkulan sa lungsod.

Bagama’t madalas aniyang nagkakaroon ng iringan dahil sa pagkakaiba ng paniniwala at kulay ng partidong kinabibilangan ay hindi umano masama na mangatwiran upang ipagtanggol ang kapakanan ng mga mamamayan.

Lumawak man ang kaniyang mga nasasakupan sa kaniyang pag-upo bilang bagong Vice Governor ng Nueva Ecija ay mananatili aniyang malapit sa kaniyang puso ang Lungsod ng Cabanatuan dahil ang lahat ng aral na kaniya umanong natutunan ay babaunin niya sa Sangguniang Panlalawigan.

Hindi naman makakalimutan ni Outgoing Councilor Nero Mercado ang kaniyang labing dalawang taong panunungkulan.

Marami man aniyang nanghinayang sa kaniyang hindi pagtakbo sa anumang posisyon sa politika nitong nakaraang eleksyon ay mananatili siyang bukas palad para sa mga nangangailangan.

Maging si Kon. Gave Calling na hindi man pinalad na manalo bilang Bise Alkalde ng lungsod ay patuloy pa rin ang pagkakawang-gawa sa pamamagitan ng kaniyang Gave’s Foundation.

Aniya, ang bukal na paglilingkod ay hindi lamang naka base sa posisyon sa gobyerno.

Kahit ang ilan sa mga miyembro ng mayorya ay nagpaalam na rin sa mga kasamahan sa Sanggunian, kabilang sina Konsehal at 3rd District Board Member Elect EJ Joson, Kon. Mario Seeping, Kon. Fanny Posada at Kon. Bong Liwag.

Nag-iwan naman ng mensahe si VM Umali sa susunod na uupong Pangalawang Punong Lungsod.

Sa ilalim ng termino ni Umali naipaayos at napaganda ang Vice Mayor’s Office at Session Hall. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *