Water crisis, naranasan ng NIA-UPRIIS IV; Pag-supply ng tubig sa mga irigasyon, halinhinan

Isa at kalahating ektarya ang lupang sinasaka ni Rolando Lazaro, sa Brgy Sta Ines, sa Bayan ng Cabiao.

October 26 aniya ay nagsimula na siyang magpasabog ng binhi ng palay, ngunit dahil nahinto ng ilang linggo ang supply ng tubig mula sa irigasyon ay nabansot ang kaniyang mga tanim.

Ayon kay Leonardo Ramos Manager ng NIA-UPRIIS Division IV, dahil sa madalang na pag-ulan nitong nakaraang buwan kaya nakaranas ng kakulangan sa patubig ang lahat ng lugar na kanilang sinusuportahan. Kabilang na nga ang Cabiao, San Isidro, Gapan City, Peñaranda, Nueva Ecija; sa lalawigan naman ng Bulacan ay ang San Ildefonso at San Miguel; at ilang bahagi ng Candaba, sa Pampanga.

Pagbibigay linaw ni Ramos, ang Peñaranda River lamang na umaasa sa sahod ng ulan ang tubig na pinagkukuhanan ng NIA IV upang masupplyan ang mga irigasyon na kanilang nasasakupan.

Aniya, pumalo lang sa 8 cubic meters per second ang kanilang tubig, samantalang nasa 30 cubic meters per second ang kailangan upang madaluyan ang kanilang service area ngayong dry season na umaabot sa 21,000 hectares.

Kaya, ang ginawa nilang solusyon ay magsagawa ng Rotational Method of Irrigation o halinhinan ang ginawang pagpapatubig.

Sa ngayon, ay wala na umanong dapat ipangamba ang mga magsasaka dahil tinutulungan na sila ng Pantabangan Dam, ngunit limitado lamang ito hanggang 12 cubic meters per second.

Sa kasalukuyan ay nasa 13,000 hectares na ang natubigan na bukirin ng NIA IV, habang ang 8,000 hectares ay inaasahang matubigan ngayong buwan ng Disyembre. –Ulat ni Danira Gabriel

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *