Wright Institute sa bayan ng San Isidro, muling bubuhayin

Tinatayang aabot sa sampu hanggang labing tatlong milyong piso ang ilalaang pondo ng Department of Education Central Office katuwang ang National Historical Commission of the Philippines sa muling pagsasaayos at pagpapanumbalik ng dating itsura ng Wright Institute na nakatayo sa San Isidro Central School, ito ay ayon kay Maam Luisa Tolentino, Punong Guro ng naturang eskwelahan.

Aniya, ang makasaysayang gusali na ito ay maaaring makatulong sa kakulangan ng mga silid-aralan sa kanilang paaralan dahil ang apat na kwarto nito sa itaas ay dating ginagamit ng kanilang mga Grade 6 students bago masira ang hagdan at mga bubong nito.

Dagdag ni Principal Tolentino, kasabay ng isasagawang pagkukumpuni ng gusali ay nais din nilang buhayin ang museum na nasa ibabang bahagi nito na pagtutulong-tulungan aniya ng mga kaguruan at stakeholders ng kanilang paaralan.

Taong 2011 umano ng huling magamit ang building na ito at nasira lamang ang ilang bahagi dahil sa ilang malalakas na bagyong dumaan sa Lalawigan katulad ng bagyong Santi.

Ngunit sa kabila nito ay nananatili naman aniyang matatag ang pundasyon nito dahil kahit nasa isang daan at labing apat na taon na itong nakatayo ay hindi pa rin ito natitinag.

Sa kasalukuyan ani Tolentino ay mahalaga at kinakailangang kagyat na itong maisaayos upang magkaroon ng maginhawa at komportableng learning environment ang kanilang mga mag-aaral.

Nakatakda naman umanong simulan ang renovation at restoration ng gusali sa susunod na buwan.

Ang Wright Institute ay ipinatayo ni Governor-General Luke E. Wright noong October 1905, sa tulong ni Crispulo Sideco at isa sa kauna-unahang Public High School sa Pilipinas sa labas ng Metro Manila, na nagbigay ng libreng edukasyon sa mga kabataang Novo Ecijano.

Samantala, inaasahan din umano ng kanilang eskwelahan sa darating na Oktubre hanggang Nobyembre ngayong taon ang ipinangako sa kanilang dalawampu’t apat na mga bagong classrooms ng DepEd Central Office upang palitan ang mga luma at sira-sira na nilang mga silid-aralan.β€” Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *